Allan

May sumasabotahe ba sa DOTr?

March 14, 2025 Allan L. Encarnacion 220 views

HINDI natin alam kung bakit sunud-sunod ang nagiging isyu magmula nang mag-take over si Secretary Vince Dizon bilang pinuno ng Department of Transportation (DOTr), magtatatlong linggo na ang nakakalipas.

Sobrang agresibo ang pagkilos ni Sec. Vince para patinuin ang mga dinatnan niyang problemadong sektor ng transportasyon kaya nga nakakalungkot ang magkakasunod na isyung gumagambala sa magandang momentum ng DOTr.

Mula sa kawalan ay biglang may isyu ng Edsa busway na pinasok ng mga sigang convoy ng pulis. Sinundan ng mga siga sa LTO Bohol na kumaladkad sa isang magsasaka at inambaan pa ng patalim na nakuha sa kanya.

Pagkalipas nito, biglang nabuhay ang tanim-bala sa airport at ang serye ng power outage. Ang sumunod na senaryo, bumigay naman ang isang escalator na dati namang maayos na gumagana.

Sinibak na ni Secretary ang mga sangkot sa LTO Bohol pati na rin ang mga may kinalaman sa tanim-bala. At ang airport power outage ay binigyan na ng ultimatum ni Secretary Vince na big no no ang 5 minutes or more na interval para mag-function ang mga power generator kapag biglang nawalan ng kuryente sa mga paliparan.

At ang mga nasaktan sa bumigay na escalator ay naayos na rin si Secretary sa tulong ng insurance company na nagpagamot sa kanila at magbabayad ng danyos.

Ayoko sanang lagyan ng malisya ang “transport-serye” na ito pero sa tingin ko ay kailangang mag-imbestiga ni Secretary Dizon sa mga pangyayari ito.

Bagama’t lahat naman ng isyung ito ay natugunan nang maagap ni Sec. Vince, mukhang mas kailangan niyang bumuo ng isang panel na masusing mag-iimbestiga sa mga senaryong ito na biglang naglutangan nang mag-assume siya bilang kalihim.

Hindi magiging maganda para sa mga plano ni Secretary Dizon kung may mga grupo o taong nasa likod ng mga insidente ito dahil titingnan ko ito bilang sabotahe para hindi siya magtagumpay.

Kung ang lahat ng pangyayaring ito ay walang relasyon sa isa’t isa at talagang isolated incidents lang, mas makakatulog ng mahimbing si Sec Vince. Pero kung kay mga maruming kamay ang gumagalaw dito, dapat siguro habang maaga ay pungusan na niya ng sungay ang mga ito bago pa makapinsala nang matindi sa ating mga kababayan.

[email protected]