May sikmura rin ang middle class

August 4, 2021 Allan L. Encarnacion 361 views

Allan EncarnacionMAGMULA nang umatake ang pandemic noong nakaraang taon, isa sa nakita nating hindi tumigil sa pagkilos ay si former Speaker Alan Peter Cayetano.

Hindi natin alam kung saan siya humuhugot ng lakas dahil halos araw-araw, minsan tatlong beses isang araw, ay nakikita natin siyang nag-iikot kung saan-saang bahagi ng bansa.

Hindi lang siya nag-iikot para mangumusta, may bitbit siyang P10K cash ayuda at P3,500 worth ng sari-sari store kabuhayan sa ating mga kababayan. Ipinagkakaloob nila ito sa 300 hanggang 500 mamamayan saan mang komunidad sila mapunta.

Nitong nakaraang linggo, nasa Caloocan City ulit si Speaker Alan Peter kasama si Congressman Egay Erice para mamigay ng biyaya. Si Erice rin, halos hindi tumigil sa kanyang mga humanitarian assistance magmula noong nakaraang taon.

Ang 10K ayuda bill ay ang panukala nila sa Kongreso bago natapos ang kanyang termino sa pagiging Speaker. Ang layunin ng panukalang ito ay bigyan ng tig-sampung libong piso ang bawat pamilya para makatawid sa hamon ng pandemya.

Ang problema, nilumot na ang panukala dahil hindi na ito umusad sa Kongreso, kung anong dahilan, hindi natin alam.

Pero sa tindi ng pagkilos si Speaker Cayetano na nag-iiikot sa buong bansa para mamigay ng P10K ayuda at sari-sari store, para na ring may institutionalized cash aid ang kanyang opisina.

Ngayong papasok na naman tayo sa panibagong yugto ng pandemic, lalong kailangan ang P10K ayuda na ipinaglalaban ni Cayetano.

Saan na naman kukuha ng pantawid-gutom ang ating mga kababayan kung walang itutulong ang pamahalaan?

Bagama’t nangako ng tig-P4K ayuda ang Palasyo sa bawat pamilyang apektado ng ECQ book 2, hindi natin alam kung sasapat ito sa inabot na hirap ng mga taong matagal nang walang hanapbuhay dahil sa mga nagsarang negosyo.

Ang isa pang problema sa panibagong P4k ayuda, tiyak na ang makikinabang dito ay iyong mga dati nang nabigyan ng SAP dahil sila na ang mga nasa listahan.

Maraming mga kababayan tayo ang hindi pa nabigyan sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na napagtibay din sa ilalim ng liderato ni Speaker Alan Peter dahil hindi alam kung anong master list ng beneficiaries ang sinusunod.

Kaya nga importante ang P10K ayuda bill na mapagtibay kasi dito ay accross the board, meaning, lahat ng pamilya ay mabibigyan, kasama na ang mga middle class na palaging biktima ng discrimination kapag government assistance ang usapan.

Sabi nga ng mga kakilala kong middle class, sila iyong taxpayers, sila iyong totoong work horse ng estado pero sila iyong wala sa listahan ng mga tinutulungan.

Sana nga lang, mapansin din ng gobyerno ang mga middle class dahil sa sektor na ito nagmumula ang bulto ng kitang buwis ng pamahalaan.

Ang problema, nang minsan mabigyan kami ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ng anim na latang sardinas, noodles, kape at tatlong kilong bigas, nagalit pa iyong ibang bitter sa FB. Bakit daw kami bibigyan, maayos naman daw ang buhay namin!

Gusto nila, sila lang!

Huwag naman palaging mahihirap ang inyong kinakalinga, may sikmura rin ang mga nasa middle class na katulad ng mga karaniwang mahihirap ay tinamaan din ng pandemya.

allanpunglo@gmail.com