Default Thumbnail

May problema sa Police Regional Office (PRO) 10?

July 14, 2022 Marlon Purification 501 views

Marlon PurificationISINUSULAT ko ito’y eksaktong dalawang linggo na matapos makapanumpa bilang ika-17th presidente ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Unti-unti’y napupuno na ang puwesto ng Cabinet members ni PBBM, ngunit marami pa ring mahahalagang puwesto sa pamahalaan ang bakante hanggang ngayon.

Patunay ito na sinisuguro ng bagong administrasyon na mga kuwalipikado at nararapat ang ilalagay nila sa tamang puwesto.

Kasama sa inaantabayan ng taumbayan ang magiging pahayag ni PBBM kung sino ang itatalaga nito bilang bagong PNP chief.

Ang balita ko, ultimo National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ay mahigpit sa ginagawang ‘background checking’ sa mga ipupuwesto sa gobyerno. Lalo na sa magiging Top Cop ng bansa.

Sabi pa ni Marites, isang PNP general na rin ang binigyan ng malaking ‘ekis’ dahil sa mga rekord nito na iyong iba ay hindi kagandahan.

Bilang commander-in-chief ng bansa, dapat talagang maging maingat si PBBM sa ipupuwesto nito sa pambansang pulisya. Maraming magagaling sa PNP na sana‘y ‘wag nang piliin yung may mga kuwestiyonableng background at ginagamit ang pangalan ng Presidente.

Sa Police Regional Office (PRO) 10, mukhang hindi maganda ang relasyon ng lokal na pamahalaan doon sa ilang opisyal ng PNP sa rehiyon.

Humantong pa ito sa pagpasa ng isang resolusyon para ipasuspinde ang isang mataas na opisyal dahil sa pagkabigo umanong maimbestigahan ang insidente ng sniping incident noong Disyembre ng nakaraang taon na ikinamatay ni Lopez-Jaena Mayor, at kandidato sa pagka-bise gobernador ng Misamis Occidental, na si Michael Gutierrez.

Si Gutierrez ay pinatumba ng isang sniper sa kanilang Christmas Party noong Disyembre 2021 sa Tangub City. May mga usap-usapan na hindi siya ang tunay na target, kundi ang gubernatorial candidate ng lalawigan at dating Deputy Speaker Henry Oaminal, na dumalo rin sa Christmas Party na iyon.

Bukod dito, tumitindi ang balitang pag-usbong na naman ng Kuratong Baleleng na isang notorious crime syndicate.

Ang masaklap, ang nasa likod nito umano ay mga tiwaling opisyal pa sa PRO10.

Isang problema na malaking hamon hindi lamang sa pamunuan ng PRO10, kundi sa buong PNP at mga local government mismo na nakasasakop sa Northern Mindanao.

Alam nating lahat na ‘peace and order’ ang isa sa pangunahing programa ng pamahalaan.

Lumang kasabihan na ang salitang kung walang kasabihan, walang katahimikan at walang pag-unlad sa bayan. Kaya kahit sinong administrasyon naman siguro ay sobrang basic ang ganitong uri ng pananaw.

Sabagay, hindi pa ganoon kalala ang problema ng Kuratong Baleleng.

Hindi ito dapat maging dahilan para matakot ang mga kababayan natin sa Mindanao.

Hindi rin ito dapat maging dahilan upang mapalago natin ang turismo at kalakalan sa napakagandang rehiyon.

Ang dapat lamang gawin ng pamahalaan ngayon ay magtalaga ng nararapat na opisyales sa ating kapulisan.

Tama ang ginagawang pagbabantay ng mga lokal na opisyales ng pamahalaan na isumbong sa kinauukulan ang mga taong sa tingin nila ay balakid sa kanilang programa.

Dahil naniniwala tayong hangga’t may mga ganitong uri ng sumbong, hindi makakamit ng administrasyong Marcos ang pangarap nitong ‘Sama-sama tayong Babangong Muli!’