
May pera vs walang pera
TUMPAK ang desisyon ng Korte Suprema na mali ang Comelec sa pagdeklarang nuisance candidate ang isang aspiranteng walang pera.
Tanong, ano ang kapasidad ng Comelec para sila mismo ang magsabi na “hindi seryoso” ang isang kandidato sa kanyang pagtakbo at kuwestiyunable ang kanyang motibo sa pagsusumite ng kanyang certificate of candidacy?
Dahil sa ganitong mga polisiya ng Comelec ay hindi tayo nakakalikha ng mga bago at totoong lider na nagmumula sa mga walang pera subalit dalisay ang intensiyong maglingkod sa ating bayan.
Masyado nang kalunus-lunos ang sitwasyon ng ating bansa dahil nga sa mismong mga may pera lang ang kayang kumandidato. Doon na lang sa pera nakakulong ang “konsepto ng paglilingkod” kaya kahit anong galing at kahit gaano katino ang ibang kababayan natin ay hindi nakakapasok sa public service dahil sa kawalan ng pera.
Nakalimutan ng Comelec na iyong ibang may pera nga ang mas matakaw sa pera kaya talamak ang katiwalian.
Huwag na tayong pumunta sa national, pag-usapan na lang natin ang barangay. Maraming mas deserving na maging kapitan ng barangay na totoo ang intensiyong ayusin ang ating komunidad subalit dahil sa walang pera, hindi na kumakandidato. At kung kumandidato man, inilalampaso ng kalaban na kayang magpagawa ng mga campaign materials at mag-abot ng ayuda sa mga registered voters.
Iyong natalo, isinulat lang sa lumang sako ang kanyang pangalan. Para kumandidato ka sa pagiging kapitan ng maliit na barangay, kailangan mo ng hindi bababa sa P150,000 hanggang P500,000. Sa ibang malalaki at mauunlad na barangay, umaabot sa P5 milyon hanggang P15 milyon ang gastusan. Sa mga ultra-rich barangay, umaabot sa P50 milyon ang gastusan sa eleksiyon. Paano makakasabay ang matinong kandidato pero walang pera?
Diyan nga papasok ang General Appropriations Act. Maraming pondo ang nakapasok sa GAA na patapon lang o pinapanakaw kung saan.
Para makapag-produce tao ng mga matitinong lider ay isama nyo sa GAA ang campaign subsidy sa mga kandidato para pantay-pantay ang gastos sa eleksiyon.