May panahon pa si Speaker Lord Velasco

November 1, 2021 Paul M. Gutierrez 75 views

PaulSA pinakahuling survey ng ‘Publicus Asia’ na ginanap sa pagitan ng Oktubre 11 hanggang Oktubre 18, 2021, “nganga” at “ngalngal” na naman ang mga Dilawan, mga komunista at mga kritiko ni Pang. Duterte matapos makapagtala ng 59.8 porsiyento na ‘approval rating’ at 52.9 porsiyento na ‘trust rating.’

Bakit nga hindi samantalang higit limang taon na ngayon siyang winawasak ng mga nasabing grupo; ngayong may walong buwan na lang siya sa puwesto, higit kalahati pa rin mga Pilipino ang patuloy na naniniwala at nagtitiwala sa kanya, araguy, hehehe!

At kahit anong gimik at ‘image build-up’ ang gawin ng mga Dilawan sa nasabing panahon, patuloy na “sadsad” at mistulang walang pagbabago ang approval/trust rating ni VP Leni Robredo na nagtala lang nang 31.3 porsiyento at 22.1 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.

Translation? Pito hanggang walo sa mga Pilipino walang bilib at tamang hinala sa kakayahan ni VP Leni na maging lider ng ating bansa kaya, araguy ulit!

***

Sa nasabi pa ring survey, lumalabas na sadyang kay PDU30 lang may tiwala at bilib ang mga Pinoy dahil “sadsad” rin ang ‘ratings’ ni SP Tito Sotto (33.9 porsiyento/19.8 porsiyento); CJ Alexander Gesmundo (24.2 porsiyento/14.6 porsiyento); at, Speaker Lord Alan Velasco (23.9 porsiyento/12.1 porsiyento).

Sa panig ni Speaker Lord, posible kaya, kasamang Charlie Manalo, na ang kanyang pagiging ‘shy type’ (mahiyain) ang dahilan kung bakit “bihira” siyang maglabas ng mga pahayag sa mga mahahalagang isyu bagaman nga isa siya sa ‘Top 5 Leaders’ ng ating bansa?

O baka naman, sadyang silent worker lang din siya na idinadaan sa resulta ng trabaho ng Kongreso ang kanyang “mensahe” sa mga Pinoy? Ano sa palagay mo?

‘Yun nga lang, dear readers, “iba” siyempre kapag ang lider ng Kamara ang nagsasalita, hindi ba?

Halimbawa, ano ba ang ‘update’ sa Bayanihan 3? Ano na ang bago sa tinatalakay ngayon na 2022 national budget at ano ang ginagawa ng Kamara para matulungan ang sanlaksa nating kababayan na iginupo ng pandemyang COVID-19.

Ang kantyaw tuloy, si ‘Speaker’ Lord lang ang ‘speaker’ ng Kamara na “bihirang” magsalita, hehehe!

Hmm. Ito kayang pagiging tahimik at silent public servant ni Speaker Lord ang dahilan kaya dumadausdos pababa ang kanyang ‘rating’ sa mga opinion/perception surveys’ partikular sa mga survey ng Publicus Asia?

Nakapanghihinayang tuloy ang patuloy na pagbaba ang resulta sa kanya ng mga quarterly survey ng Publicus Asia na isinagawa noong Disyembre 2020, Marso 2021, Hulyo 2021 at ito ngang huling survey sa buwan ng Oktubre.

Nakapanghihinayang dahil alam naman nating may angking galing si Speaker Lord; kung wala kasi, bakit siya ang itinanghal na Speaker ni PDU30, tama ba, mga kabayan?

Naalala tuloy natin si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara ng CPP-NPA at lider at tagapagsalita ng Melito Glor Command na sumasakop sa Timog Katagalugan.

Palagi kasi nating kantyaw sa kanya noon, “siya” lang ang ‘spokesman’ na hindi ko pa narinig magsalita, hahaha!

Dahil sa mga resulta, hindi tuloy maiwasan ng mga miron na “ikumpara” ang estilo ng liderato ni Lord Alan kay dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Oops! Muling “target” ni Rep. Alan ang Senado at harinawang makalusot naman siya, tama, incoming Romblon congressman, Joey Venancio?

Sa panahon ni Cayetano bilang lider ng Kamara, naitala ang 80 porsiyento performance rating ng Kamara at 76 porsiyento trust rating sa isinagawang survey ng Pulse Asia sa kanyang termino.

Si Speaker Alan din ang “nagpauso” ng outside de kulambo, ehek, out of town session ng Kamara upang mapulsuhan ang damdamin ng publiko katulad ng ginawang ‘Batangas session’ ng Kamara upang alamin ang hinaing ng mga sinalanta ng pagputok ng Bulkang Taal.

Naging mabilis din ang aksyon ng Kamara sa pagpapatupad ng ‘Bayanihan 1&2’ upang mabilisang maibsan ng pamahalaan ang masamang epekto ng COVID-19.

Sa ganang atin naman, wala kasing “mataas na ambisyon” si Speaker Lord bukod sa mapamunuan ng maayos ang Kamara kaya marahil hindi niya kailangang maging “maingay,” ganun kaya ‘yun?

At any rate, wika nga, naniniwala tayong may sapat pang panahon si Speaker Lord upang mapataas pa ang kanyang kredibilidad at ang imahe ng Kamara.

Siyempre, gusto rin naman niyang makapag-iwan ng magandang ‘legacy,’ tama ba, dear readers?

Abangan!

AUTHOR PROFILE