
May pag-asa pang makabangon muli ang insolvent sa FRIA
MAHIRAP magnegosyo. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kikita ang isang negosyo upang mabawi ang puhunan at mapalawak ang serbisyo o mapaganda ang kalidad ng produkto. Sa kabila ng pagsusumikap, marami ang lugi sa kadahilanang panloob at panlabas na nagpapatumal ng benta at nagpapaliit ng hawak na salaping pambayad sa mga utang. Bago pa malusaw ang kaunting kayamanan pag-aagawan ng mga pinagkakautangan, mainam na gamitin ng isang “insolvent” ang rehabilitasyon ng kanyang pinansyal na katayuan upangmakapag-umpisa muli.
Ang “insolvent” ay tumutukoy sa isang tao, korporasyon, o sosyo, na may maselan na kalagayang pinansyal na hindi kayang bayaran ang kanyang mga utang sa ordinaryong kursong negosyo o di kaya ay gipit sa salaping pambayad sa mga utang. Binibigyan ng RA 10142 o Financial Rehabilitation and Insolvency Act ( FRIA) of 2010 ang insolvent ng saklolo ng pagsususpinde ng mga bayarin upang hindi siya putaktihin ng mga may utang sa kanya na hahantong sa kaguluhan at kamatayan.
Ang likas na layunin ng rehabilitasyon ay makahanap ng mga paraan upang mabawasan ang mga gastos ng nababagabag na insolvent sa panahon ng rehabilitasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinakamahusay na posibleng balangkas upang unti-unting mabawi o makamit ang isang napapanatili at nakatindig na negosyo. BPI v Sarabia Manor Hotel (2013). Upang makamit ang layuning ito, itinatadhana ng FRIA ( Sec.16) ang pagpapalabas ng hukuman ng Kautusan sa Pagtigilo Pagsuspinde – lahat ng mga aksyon o paglilitis, sa loob at labas ng korte, laban sa naghihingalong insolvent ay dapat masuspinde. Ang mga nagpautang sa “distressed insolvent” ay maaaring isumite ang kanilang mga singilin sa “rehabilitation court” at hindi sa ibang pamamaraan upang makaluwag ng kaunti ang korporasyon.
Sa pamamagitan ng FRIA, tinitiyak ng Estado ang isang napapanahon, patas, malinaw, epektibo at mahusay na rehabilitasyon ng pinansyal na katayuan ng insolvent. Ang rehabilitasyon ng ari-arian ng insolvent ay may layuning matiyak o mapanatili ang sigurado at mahuhulaan na mga gawaing pangkomersiyo, pangalagaan at sinupin ang halaga ng mga ari-arian ng insolvent, kilalanin ang mga karapatan ng nagpautang at igalang ang prayoridad ng mga naghahabol ng bayad, at tiyakin ang pantay na pagtrato sa mga nagpapautangna may katulad na posisyon. Kapag ang rehabilitasyon ay malabong maisakatuparan, nasa interes ng Estado na maglagay ng mabilis at maayos na paglulusaw sa mga ari-arian ng insolvent para mabayaran ang kaniyang mga utang.
Sa ilalim ng FRIA, maaaring si insolvent o ang kanyang mga pinagkakautangan ang magpetisyon sa hukuman ng “rehabilitasyon.” Susuriin ng hukuman kung ang may utang ay totoong insolvent, at kung maayos at katanggap-tanggap ang isinumiteng “rehabilitation plan” na naglalaman ng mga istratehiya na magpapasigla ng pinansyal na katayuan ng insolvent. Kabilang dito ang posibilidad na pagpapatawad sa utang, bagong iskedyul ng pagbabayad at laki ng hulog ng bayaring utang, pag-ooberhol ng mga kawani at proseso ng negosyo, pagbabayad ng ari-arian sa bayaring utang (dacion en pago), pagturing sa utang bilang kapalit na ambag o kontribusyon ng nagpautang sa negosyo, pagbebenta ng negosyo (o mga bahagi nito), o pagtatayo ng bagong negosyo, o iba pang katulad na istratehiya na maaaring aprubahan ng hukuman. Ayon sa rekomendasyon ng itinalagang “rehabilitation receiver”, maaaring utusan ng hukuman na magsampa ng demanda para mapawalang bisa ang mga kontratang depektibo ayon sa Chapter 6 at 7 ng Title II Book IV ng Civil Code. Bahagi rin ng FRIA ang “Model Law on Cross-Border Insolvency of the United Nations Center for International Trade and Development.”
Ang mga luging bangko, mga kumpanya ng insurance at pre-need, at mga lokal na pamahalaan ay saklaw ng mga batas na ipinapatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Securities and Exchange Commission, at Department of Interior and Local Government.
Hindi katapusan ang pagkalugi ng negosyante. May pag-asa pang makabangon muli ang insolvent sa FRIA.