May kilos, tibok ng puso sa ilalim ng KOJC compound
PATULOY ang paggamit ng mga pulis ng state-of-the-art detection equipment na karaniwang ginagamit para maghanap ng mga survivor ng lindol upang ma-detect ang mga kilos at tibok ng puso sa ilalim ng mga bunker sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City, habang hinahanap si Pastor Apollo C. Quiboloy, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Colonel Jean S. Fajardo nitong Miyerkules.
“Amid so much disruptions to delay the ongoing search, the instruments being used by the Police Regional Office 11 continue to give more credence, detect human life underneath some parts of the KOJC compound,” ani Fajardo.
Gayunpaman, sinabi ng opisyal na ang operasyon ng pulisya upang ma-penetrate ang mga napiling lugar sa loob ng malawak na compound ay patuloy na naaantala ng mga abogado at tagasuporta ng KOJC. “Definitely kung sino man ang nasa ilalim, they are definitely receiving information. Kasi nade-detect na lumalakad, tumatakbo sila, transferring from one place to another,” dagdag pa niya.
Ayon kay Fajardo, ang mga instrumento na ginagamit ng PRO11, sa pamumuno ni Brigadier General Nicolas D. Torre III, sa paghahanap kay Quiboloy at apat na iba pa, ay hindi nagsisinungaling. “Ginagamit ito dito at sa ibang bansa, nakadetect na ito ng human life kahit sa ilalim ng mga guho. Hindi lang basta nakikita ang mga movements dito. Nasa ika-12 araw na tayo at kalahati pa lang po,” pahayag niya.
Ayon kay Col. Fajardo, kamakailan lang ay natuklasan nila ang isang silid ni Quiboloy sa loob ng kanilang paaralan na konektado sa maraming silid na tinutuluyan ng mga babaeng miyembro ng grupo.
Ipinilit din niya na mayroon silang mga dahilan upang maniwalang nagtatago si Quiboloy sa lugar batay sa mga impormasyong natatanggap nila at mga gadget na ginagamit ng PRO11.
Naunang sinabi ni Bise Presidente Sara Duterte-Carpio na umalis na si Quiboloy sa Davao City.
“Hindi po natin alam kung saan nakuha, with due respect to the Vice-President kung saan galing ang ganung nformation? Nakakausap po ba nila siya? On the side of the PNP, makikita po sa mga galaw, sa mga reaction ng mga tao, kung papano pinipigilan mga pagpunta sa passageways,” sabi ni Col. Fajardo.
Tinanggihan naman ng PNP ang pahayag ni Bise Presidente Duterte, na ang pamilya ay kilalang kaalyado ni Quiboloy, na umalis na ito ng Davao City at iginiit na ang wanted na televangelist ay nagtatago pa rin sa isang lihim na lugar sa malawak na KOJC compound.
Noong nakaraang Linggo, dumalo ang Bise Presidente sa ika-39 anibersaryo ng KOJC kung saan nakita siyang nakikipagkamay sa mga tagasuporta ni Quiboloy bago sabihin na maaaring nakatakas na ito sa Davao City dahil sa “tagal ng grandstanding” sa Senado.
Tinawag din ni Col. Fajardo na ‘fake news’ ang umano’y ‘Open Letter’ mula sa ilang miyembro ng Calabarzon police force na naka-deploy sa Davao City na humihiling nang bumalik sa kanilang orihinal na assignment.
“Ang mga pulis po natin ay professional. Pag nadeploy sa mga major events or long deployment, pag dinala sa ibang regions, kinakausap sila, pinagdadala ng provisions and uniforms at alam po nila na mahaba ang trabaho nila. No less than the Chief, PNP was there last week,” pahayag ni Fajardo.
Sinabi rin niya na ang PNP Comptroller, Major Gen. Neil B. Alinsangan ay nasa Davao City na rin nang higit sa isang linggo upang pangasiwaan ang mga daily provisions tulad ng pagkain, tubig, at maging portalets para sa mga pulis na sumusubaybay kay Quiboloy.
“Yung lumalabas na diumanoy’s sulat ng complainants, we have some reservations, maraming fake news. Ang clear lang dito is within the bounds of law yung ginagawa ng ating kapulisan,” dagdag pa niya.
Dagdag pa ni Fajardo, nilinaw din ni Police Regional Office 4-A director, Brig. Gen. Kenneth Paul T. Lucas na ang mga augmentation troops mula PRO4-A sa Davao City ay nabigyan ng kumpletong orientation bago ang kanilang deployment.
Muli, hinimok ng PNP si Quiboloy na sumuko at harapin ang mga kasong kriminal ng child abuse at trafficking na kanyang kinakaharap.
Ipinagpatuloy ni Gen. Marbil at Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin C. Abalos Jr. na hindi titigil ang kanilang operasyon sa loob ng KOJC compound hanggang sa masiyasat ang bawat sulok ng 30-ektaryang pasilidad.
“Please naman, nanawagan ako at ito na pananawagan ng lahat, sumuko ka na. Dahil klaro naman ang sinasabi mo, you are deemed to be innocent until your guilt is proven in court. Pero may warrant tayo eh. At ang warrant niyan is People of the Philippines v. Apollo Quiboloy,” sabi ni Sec. Abalos.
“‘Yung sinasabi mo walang ka kasalanan, may proseso diyan at yan ay sa korte. Sumuko ka na at harapin mo ang mga akusasyon. ‘Yan ang sa akin, sumuko ka na,” dagdag ng DILG secretary.
Noong nakaraang linggo, nagbigay si Torreon ng isang imposibleng kahilingan na kailangan pang lumagda si Pangulong Marcos sa isang written declaration na ang self-proclaimed ‘Son of God’ ay hindi dadalhin sa Estados Unidos kung saan nahaharap din siya sa iba’t ibang kasong kriminal.
Sinabi ni Torreon na may banta sa buhay ni Quiboloy habang posible siyang humarap sa “extraordinary rendition” o isang state-backed kidnapping papunta sa U.S. kahit pa hindi sila nagbigay ng sapat na ebidensya upang suportahan ang kanilang alegasyon ng isang sabwatan sa pagitan ng gobyerno ng U.S. at Pilipinas upang dalhin ang fugitive pastor sa Amerika para litisin.
Tinanggihan ni Pangulong Marcos ang kondisyon ni Quiboloy para sa kanyang pagsuko at tinawag itong “tail wagging the dog” o isang pagtatangkang diktahan ang gobyerno.