‘May araw din ang mga naninira kay Bossing Vic’

July 16, 2021 Allan L. Encarnacion 461 views

Allan EncarnacionTAMA ang adbokasiya ng Dos por Dos ng DZRH na sina Anthony Taberna at Gerry Baja na one person, one account sa paggamit ng social media.

Hindi naman mahirap unawain ito dahil ngayong digital age, naging dalawa singko na lang ang opinion ng kung sinu-sino. Mabuti pa nga sana kung opinion lang ang ginagawa, mapapalagpas mo pa kung wala siya sa hulog.

At karapatan naman ng lahat ng magbigay ng kani-kanilang opinion sa kahit anong issue under sun. Ang problema, iyong iba, gumagamit ng mga dummy accounts para lang siraan o maglabas ng negatibong artikulo o panulat laban sa isang tao.

Halimbawa na lamang ay ang sinasabi ni Bossing Vic Sotto na sinisiraan ang kanyang pagkatao sa pamamagitan ng pag-akusa na may nabuntis siyang ibang babae.

Ganoon din sa alegasyon ng pagkakabuntis ni Willie Revillame sa isa rin niyang host assistant. Ang problema sa mga nagpapakalat ng mga fake news at paninira sa kapwa ay mula sa isa ring peke account.

Kung hindi aso, ang makikita mo sa kanyang profile picture ay unggoy or ahas. Posible rin naman totoong tao iyon na nag-anyo at nag-asal hayup lang.

Pero ang tanong, ano ang laban ng mga katulad nila Bossing Vic at Willie sa mga taong naging hayup pero marunong gumamit ng gadgets?

Diyan papasok ang NTC, ang Department of Information and Communication Technology o DICT at ang DTI na siyang direktang may kontrol ng mga pumapasok na multi-national communication business sa bansa.

Sa China, walang Facebook dahil hindi sila pinapasok ng gobyerno. Dito sa atin, pinayagan ang FB, youtube, twitter, instagram at tiktok pero naging parang saranggolang natanggalan ng buntot sa ere dahil nawala na sa kontrol.

Wala namang masama sa social media platforms, ang masama lang ay ang paraan ng paggamit ng iba nating kababayan. Ang tanong, puwede bang mangyari ang ipinaglalaban ng dos por dos? Kung tutuusin, puwede rin naman yan pero ang bola ay nasa management ng mga social media entities.

Ang problema natin sa multiple accounts sa socmed ay katulad din ng multiple prepaid SIM cards na hindi rin natin makontrol. May panukala si Senador Sherwin Gatchalian at Senate President Tito Sotto na iparehistro ang lahat ng prepaid SIM card dahil nagagamit ng mga terorista bilang bomb detonator ang cellphone.

Bukod dito, ang unregistered SIM cards ay katulad din ng social media accounts na nagagamit naman sa mga scam. Ang tanong, bakit hindi maglabas ng regulasyon ang NTC para sa ganitong klase ng sistema? Ang totoo, hindi kailangan ng batas dito, isang board resolution lang ng NTC, mangyayari ang pagpaparehistro ng SIM cards.

Ganoon din sa socmed, nasa gobyermo ang lahat ng poder para tiyaking hindi nagagamit sa pagpapakalat ng fake news at paninira ng reputasyon gamit ang fake accounts. Hindi ito para sa outright censorship, ang punto natin dito ay magkaroon ng law and order sa paggamit ng social media at SIM cards.

Ituring natin na parang baril ang mga ito na puwedeng makasira ng buhay o makapatay kung gagamitin sa kawalanghiyaan ng mga taong walang magawa sa buhay.

Ang totoo, nasisira ang magandang benepisyo ng social media sa pangkalahatan dahil mismo sa paglipana ng mga taong ang ikinatutuwa ay ang panloloko sa kanilang kapwa.

Sabi nga ni Bossing Vic, darating din ang araw nyo!

allanpunglo@gmail.com