‘Matinik’ na snatcher timbog sa Sampaloc

December 8, 2022 Jonjon Reyes 88 views

Matapos aksyunan ng TMU ng Manila Police

HIMAS-rehas ang isang 26-anyos na “matinik” na snatcher at pinaghihinalaang miyembro ng “Bahala Na Gang” (BNG) matapos na maaresto ng mga operatiba ng Tactical Motorized Unit (TMU) ng Manila Police District (MPD) makaraang mambiktima sa Sta. Mesa, Maynila.

Ayon kay Police Lt. Col.Wilson Villaruel, commander ng MPD Sampaloc Police Station 4, ang suspek ay matinik umanong snatcher na residente ng Nagtahan sa Sta. Mesa.

Base sa report nina P/Cpl. Jeselou Senarlo at Patrolman John Mark Vallejo, kapwa nakatalaga sa District TMU ng MPD, pasado alas-10:35 ng umaga, habang nagpapatrolya sa Sampaloc lulan ng kanilang motorsiklo, nang biglang lumapit at humingi ng tulong ang isang 20-anyos na dalagang biktima sa ginawang panghahablot ng kanyang Oppo A74 cellphone sa panulukan ng R.M. Boulevard at V. Mapa Street sa Sta. Mesa.

Hindi naman nag-aksaya ng oras ang dalawang pulis kung kaya’t agad na nagsagawa ng isang follow-up operation hanggang sa matunton ang suspek hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente.

Hindi na nanlaban ang suspek matapos siya posasan at iharap sa biktima na positibong kinilala ang suspek, maging ang dalawang tumayong testigo sa ginawang panghahablot sa cellphone na nagawang nabawi mula sa suspek.

AUTHOR PROFILE