Default Thumbnail

Matataas na kalibre ng baril nasabat sa bahay sa Taguig

March 11, 2023 Edd Reyes 377 views

SINALAKAY ng pulisya ang bahay ng 55-anyos na lalaki bunga ng pag-iingat ng iba’t-ibang uri ng matataas na uri ng armas Biyernes ng gabi sa Taguig City.

Ikinasa ng mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 6 ang pagsalakay sa bahay ng suspek sa Barangay Katuparan, dakong alas-9 ng gabi sa bisa ng inilabas na search warrant ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Judge Byron G. San Pedro ng Branch 15 Family Court matapos magpositibo ang matagal na pagmamatyag ng kapulisan kaugnay sa impormasyong pag-iingat niya ng iba’t-ibang uri ng armas.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, nakumpiska sa bahay ng suspek ang isang kalibre .45 sub-machine gun na gawa sa Estados Unidos, isang M15 A1 Eliseo rifle, dalawang kalibre .45 pistola, limang 5.56 magazine, dalawang plastic na 5.56 magazine, dalawang magazine ng sub-machine gun, apat na magazine ng kalibre .45 pistola, isang “high cap” magazine na may suppressor 500 rounds ng caliber .5.56, 44 na rounds ng cal .45, apat na rounds ng cal. 3,8 at kulay fatigue na kahon ng bala.

Inaalam na ng pulisya kung sangkot ang suspek sa sindikatong nagbebenta ng malalakas na uri ng baril at kung sino ang nagsu-supply sa kanya ng naturang mga armas.

Isasailalim pa sa ballistic examination ang mga nakumpiskang armas upang alamin kung nagamit ito sa mga nakaraang malalaking uri ng krimen.

Pansamantalang nakapiit ngayon ang suspek sa detention cell ng Taguig Police Station habang inihahanda na ang pagsasampa laban sa kanya ng kasong Illegal Possession of Firearm and Ammunitions.

AUTHOR PROFILE