Default Thumbnail

Mataas na sahod ba ang gusto mo?

August 26, 2022 Allan L. Encarnacion 623 views

Allan EncarnacionSA susunod na linggo, magtatapos ang bunso kong anak sa kolehiyo na isang cum laude.

Ilang buwan bago siya ga-graduate, hindi mapakali sa paghahanap ng trabaho, halos lahat ng aplikasyon niya ay online. May mga naging raket siya sa musical scoring na project ng kanyang kaklase, kumikita naman siya ng P8,000 sa isang trabaho. Nakadalawa nga ata siya kasi sa Gcash ko pinasok ang pera kaya tandang-tanda niyang may utang ako sa kanya.

Iyong ibang aplikasyon niya, sumailalim na siya sa interview. Binabalitaan niya kami ng kanyang Mommy hindi raw siya natatanggap. Sabi ko, huwag kang masiraan ng loob kasi baka kaya hindi ka natatanggap dahil hindi nila kaya ang suweldo mo.

Hindi naman lahat ng rejected application ay hindi kuwalipikado, posibleng sa standard ng kompanyang inaaplayan mo, masyado mataas ang kalidad ng isang aplikante. Ganoon dapat ang pagtingin, laging positibo.

Isang araw, nabanggit niya sa amin na may meeting sila ng kanyang boss—online. Natanggap na pala siya sa isang international store na may puwesto sa Makati. Apat na buwan daw ang kontrata, hanggang Oktubre. Ang sahod—P6,000 monthly.

Sabi ko okey lang yan kasi nagsisimula ka pa lang naman at hindi ka pa naman graduate. Naibida ko tuloy na P750 lang ang una kong sahod bilang news correspondent sa Abante/Abante Tonite noong working student ako as 3rd year college.

Sabi ko sa kanya, okey lang ang sahod na P6,000 kasi para ka lang naman nagte-training. Hiindi naman siya araw-araw kailangang pumasok, karamihan ay online. Pero tuwing Huwebes, kailangan niyang pumunta sa opisina nila at sa store nila sa Rockwell or Power Plant Mall.

Medyo malayo para sa Grab kaya hinahatid ko sa siya tuwing Thursday. Aalis kami sa bahay sa Kyusi ng 9 a.m. para bago mag-alas onse ay naroon na siya sa Rockwell. Binabalikan ko siya ng 5pm para sunduin at sabay na kaming uuwi.

Dumadaan muna kami sa mga fastfood para ibili ko siya ng lunch na babaunin dahil hindi naman sila puwedeng lumabas para lang kumain habang nasa work.

Marunong naman na siya mag-drive pero Juan Tamad magmaneho kaya kailangan kong ihatid at sunduin sa kanyang mga lakad, trabaho man o bulakbol kasama ng mga kaibigan.

Sa tuwing nasa kotse kami at binabaybay ang matrapik na Edsa, palagi ko siyang sinasabihan na huwag niyang isipin kung magkano man ang kanyang sahod. Wala naman siyang obligasyon sa bahay na magbayad ng tubig, kuryente at internet.

Palagi kong sinasabi sa kanya, P6,000 ang suweldo mo ngayon, pero priceless naman ang mga aral na puwede mong matutunan sa pagsisimula ng iyong sariling buhay. Mapalad pa rin siya at ang kanyang kuya dahil wala kaming itinotokang gastos sa kanilang magkapatid mula’t mula dahil kaya pa naman naming mag-asawa ang lahat.

Kung kukuwentahin ang gasolina at pagkain sa apat na raw sa isang buwan sa paghahatid sa kanya sa Makati, umaabot na rin iyon sa P6,000. Katulad ng sinasabi ko sa kanya, ang importante ay ang puwede niyang matutunan na hindi niya makukuha sa apat na sulok ng kanyang kuwarto sa bahay.

Hinahasa ko siyang mabuti na lumaban at makipagsapalaran sa mundo dahil nagbabalak siyang manirahan, mag-aral at ultimately ay makapagtrabaho sa Amerika.

Kung hindi madali ang buhay dito sa sarili niyang bayan, mas higit ang posibleng hirap sa ibang bayan kaya importanteng matuto siya sa kanyang karanasan sa pagtatrabaho.

Kami bilang mga magulang, nakagabay lamang at nakabantay pero sabi nga, darating ang panahon, magkakaroon na ng sarili buhay ang ating mga anak.

Ganoon din ang panawagan ko sa ating mga kabataan, huwag muna kayo tumingin sa taas o baba ng sahod habang nagsisimula pa lamang ang inyong career. Kailangan n’yo rin munang patunayan sa inyong mga kompanya na sulit ang anumang mataas na sahod na posibleng inyong tinatarget bago nyo ito makamit.

Ganyan ang realidad ng buhay, magsikap kang magtanim para mas matamis ang bunga na iyong aanihin.

[email protected]