Default Thumbnail

Mataas na integridad, katangian ni DILG Benhur Abalos

December 8, 2022 Edd Reyes 268 views

Edd ReyesISA si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa mga kalihim ng pamahalaan ang may mataas ang integridad sa kanyang panunungkulan.

Lahat kasi ng hinawakan niyang posisyon sa pamahalaan ay nag-iiwan ng positibong reaksiyon, hindi lamang sa mga taong naglingkod sa kanya kundi higit sa lahat ay mga mamamayang kanyang pinaglingkuran.

Katunayan, ng manungkulan Secretary Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong, tumanggap ng katakot-takot na parangal ang lungsod, hindi lamang sa lokal na samahan kundi maging sa international organization dahil sa mga isinulong niyang proyekto at programa.

Dahil sa kahusayan, nahalal siya bilang Pangulo ng League of Cities of the Philippines ang Union of Local Authorities in the Philippines kaya nakamit din niya ang Most Outstanding Mayor na ipinagkaloob sa kanya ng dalawang kapulungan ng kongreso at mga nangungunang pamantassan sa bansa.

Nang maupo bilang Chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lumikha rin siya ng mga magagandang proyekto at programa na hanggang ngayon ay sinusundan ng mga humalili sa kanya tulad na lang ng Adopt-A-Park project na layuning ayusin at pagandahin ang mga nakatiwangwang na lugar sa iba’t-ibang lungsod upang maging pasyalan ng bawa’t pamilya, matanda man o bata.

Sa maikli pa lamang panahon ng panunungkulan bilang kalihim ng DILG, marami na siyang nagawang hakbang upang tumulong Pambansang Kapulisan at sa mga lokal na pamahalaan na nagkakaroon ng problema na kanyang nalulutas sa mapayapang pamamaraan. Kudos kay SILG Abalos, Mabuhay ka Sir!

Business permit, hindi dapat ginagamit sa ilegal na gawain

DAPAT na maging maingat ang lokal na pamahalaan sa pagkakaloob ng business permit sa mga kumukuha nito dahil posibleng nagagamit ang permiso sa ilegal na gawain.

Totoong kailangan ng lahat ng local government units (LGUs) na kumalap ng pondo para makabawi sa dalawa’t kalahating taong pagkalugmok ng kabuhayan dulot ng pandemya at isa na rito ang kabi-kabilang paniningil ng buwis at bayad sa mga kumukuha ng business permit.

Pero hindi lahat ng nag-aapply ng permiso ay kuwalipikado dahil ang ilan sa mga ito, tulad ng mga kumukuha ng permit to operate an amusement center o mini-carnival sa mga bayan-bayan sa ilang mga lalawigan, ay may paglabag sa umiiral na batas.

Dito nga lang sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal, ang pagkakaroon daw ng business pemit ang ikinakautwiran ng lokal na pulisya sa reklamo ng mga magulang kaya hindi nila puwedeng ipatigil ang aktibidad sa loob ng mga mini carnival.

Ipagpalagay na may business permit nga ang itinayong mini carnival sa may Bagong Palengke, sa Floodway, at sa Brgy. San Isidro, pero ang tanong, kasama bang nabigyan ng permiso ang ilegal na sugal na isiningit sa loob ng mga amusement center? Hindi naman siguro papayag si Mayor Allan De Leon na pagkalooban sila ng business permit dahil ilegal ito at may kampanya si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretry Benhur Abalos laban sa illegal gambling.

Dito kasi sa Metro Manila, maingat ang mga LGUs sa pagkakaloob ng business permit kahit pa kailangang kumalap ng pondo dahil sensitibo ang mga alkalde sa reklamo ng mga taong kanilang pinaglilingkuran kaya kadalasang nangyayari ang kawalan ng pag-iingat sa pagkakaloob ng business permit sa mga bayan-bayan sa mga lalawigan tulad sa Rizal province kaya nasisingitan sila ng mga taong may intensiyong maglatag ng ilegal na gawain.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE