Default Thumbnail

‘Masungit’ ang panahon sa Rizal.

February 23, 2022 Joey C. Papa 398 views

JoeyHindi maganda ang panahon sa Kamaynilaan nitong mga nakaraang araw gayundin sa mga karatig lugar nito tulad ng lalawigan ng Rizal.

Nagkaroon ‘umano ng karahasan o ng pagsasakitan ang mga tauhan ng mga ‘umano’y mga “illegal resorts” na nasa loob ng Masungi Georeserve at sa pagitan ng mga nangangalaga ng Kalikasan sa Masungi, isang protected area ng Baras Rizal..

Sa pahayag naman ng Masungi Georeserve Foundation, kinokendena nila ang marahas ng pagsalakay sa kanilang mga forest rangers at sa iba pang residente ng komunidad sa Masungi.

Ang mga Forest Rangers, mga conservationist, at mga environmentalist ay naglalayon lamang protektahan ang Masungi Forest Area mula sa nagtayo at magtatayo pa ng mga illegal structures sa loob ng Masungi.

Noong nakaraang taon ay nag-utos ang dating DENR Secretary Roy Cimatu na tanggalin lahat ang mga iligal na istruktura sa Upper Marikina Watershed. Ano’ng nangyari?

Matagal nang hindi dapat pinatitirhan ang malaking bahagi ng Rizal tulad ng Antipolo, Baras at Tanay dahil ito’y mga Protected Mountain Area.

Hindi na kailangan pang imemorize na ang mga lugar na ito ay mga watershed “area and it is beyod the commerce of men” sabi nga ng isang dating opisyal ng DENR.. Hindi daw ito dapat ginagawang lugar ng mga negosyo.

Ngunit tingnan ang bayan ng Tanay ngayon. Marami nang dismayadong nanggaling doon dahil kung dati ay iilan pa lang ang tinututulang mga istruktura, “dumami na ngayon”! sabi ng isang ina na kailan lang ay bumisita sa bayan ng Tanay.

Matagal nang may tumatawag ng pansin ko hinggil sa pagpasok sa Masungi ng mga “maiimpluwensyang” tao at nagtatayo ng negosyo na hindi pinapayagan ng batas. Matagal ko nang nakita ang lugar na ito at ang masasabi ko lang ay tulad ng ibang lugar sa Rizal, napakaganda nito.

Kailangang protektahan ang Masungi sa lahat ng sandali. Kailangan ding kumilos ang pamahalaan upang maprotektahan at maayos ang Inang Kalikasan.

Sa isang press release ng DENR CALABARZON, may nakita ’umano ang mga ”residente”na may dalang bag ang isang forest ranger at hininala nilang may baril ito sa loob. Subalit hindi ito napatunayan ng pulis at wala rin daw silang ”search warrant.”

Bakit malakas ang loob na sumalakay kung gayon ng mga ‘umano’y “residente” na lusubin ang mga forest rangers?

Hindi ba dapat pa ngang tulungan ng mga “residente” ang mga forest rangers sa pangangalaga sa Masungi?

Matagal nang maraming paglabag sa Inang Kalikasan sa ating bansa. Hindi na natatakot ang mga violator sa patakaran at batas ng pamahalaan lalo na sa mga batas pangkalikasan.

Matagal nang nilalapastangan, sinasalaula ang ating kabundukan, kagubatan at karagatan. Kailan papasok sa mga isip nila na malubha na ang epekto ng global warming at climate change sa ating bayan dahil sa mga pagsira sa ating Inang Kalikasan? Taon-taon na paghampas ng malalakas na bagyo, matataas na tubig-baha, matinding init at lamig na sumisira hindi lamang sa kalusugan ng mga Pilipino at mga pananim kundi sa buong ekonomya ng ating bansa.

Ang mga puno sa kagubatan at kabundukan ang kalasag natin sa malalakas na hagupit ng mga kalamidad na gawa ng tao. Ngunit nasaan na ang mga ito?

AUTHOR PROFILE