Default Thumbnail

‘Mastermind’ sa pagbaril sa OMB employee, tiklo

February 7, 2023 Melnie Ragasa-limena 243 views

INARESTO ng mga awtoridad ang itinuturong “mastermind” sa pamamaril sa babaeng staff ng Office of the Ombudsman (OMB) matapos na idiin ng inutusang gunman na naunang nadakip, sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Ang umano’y mastermind na empleyado rin diumano ng Ombudsman ay agad na binitbit ng mga awtoridad mula sa kaniyang tahanan sa Barangay Culiat, Quezon City, bandang 7:50 ng gabi ng Pebrero 6.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brigadier Gen. Nicolas D. Torre III, inamin ng naarestong gunman na binayaran siya ng suspek ng P30,000 para patayin ang dating girlfriend umano, na isang Admin Aide VI ng OMB noong Pebrero 1, bandang 8:20 ng umaga sa tapat ng RCBC Bank sa Quezon Avenue malapit sa kanto ng Cordillera St. sa lungsod.

Sa salaysay ng gunman, hindi umano matanggap ng “mastermind” na nakikipaghiwalay na sa kaniya ang biktima dahilan upang ipapatay ito.

Dahil dito ay agad na nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng QCPD at nasakote ang suspek sa kaniyang tahanan na nadiskubreng may kaso ring bigamy na isinampa laban sa kaniya ng dating asawa.

Kasalukuyan pang nagpapagaling sa East Avenue Medical Center ang biktima matapos na magtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa dibdib.

Nasamsam naman mula sa tahanan ng mastermind ang iba’t-ibang uri ng mga baril, bala at granada.

Sa piitan, todo tanggi naman ang suspek sa akusasyon laban sa kaniya ng nahuling gunman.