Masahista patay sa trak, angkas sugatan

April 6, 2022 Jonjon Reyes 81 views

PATAY ang isang 30-anyos na massage therapist o masahista habang sugatan naman ang angkas nitong physical therapist nang masagi at masagasaan ng isang truck sa Malate, Manila, Miyerkules ng madaling araw.

Kaagad na binawian ng buhay ang lady rider na nakilalang si Vernadette De Bor, 30, massage therapist at residente ng S. Castillo St., San Pedro, Pateros.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) ang kanyang backride na si Jasmin Cristy Capital, 31, physical therapist, at residente ng Victor St., Tramo, Pasay City.

Samantala, arestado naman ang driver ng truck na si Severino Del Rosario, 47, ng Sitio Hulo, Brgy. Akle, San Ildefonso, Bulacan.

Batay sa ulat ni P/Cpl. Genesis Flagne ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District-Traffic Enforcement Unit, bandang 12:30 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Taft Avenue, sa panulukan ng P. Ocampo St. sa Malate.

Bago ang aksidente ay sakay ang mga biktima ng isang Honda ANF100 motorcycle habang minamaneho naman ni Del Rosario ang isang Howo Truck at kapwa binabagtas ang southbound lane ng Taft Avenue.

Pagsapit sa naturang lugar ay pakaliwa sana ang truck ngunit bigla itong lumihis pakanan sanhi upang masagi ang motorsiklo ng mga biktima.

Dahil dito, sumemplang ang motorsiklo sa sementadong kalsada at minalas na masagasaan pa ng truck na nagresulta sa agarang pagkamatay ng masahista at pagkasugat naman ng backride na si Capital.

Kaagad namang nakaresponde sa lugar ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng Manila Police District (MPD)-Malate Police Station 9 na sina P/Cpl. Jordan Cabial at P/Cpl. Haji Imperial ng kapwa naka-assign sa Adriatico Police Community Precinct, saka nila kinordon ang area at naaresto ang suspek.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property ang kakaharapin ng truck driver. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE