
Mas pinalakas na proteksyon sa OFWs sa Kuwait hiniling
PINAG-AARALAN na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga panuntunan sa pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait upang matiyak ang mas pinalakas na proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino sa naturang bansa.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, sinusuri ng DMW ang deployment policies nito upang makapagtakda ng kinakailangang mga hakbang, tulad ng paghihigpit o pagdaragdag ng mas mahigpit na panuntunan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga OFW, partikular na ang mga domestic worker.
Ito ay bunsod ng mga kamakailang pagkamatay ng mga OFWs sa Kuwait, kabilang na si Jenny Alvarado, na nasawi dahil sa suffocation mula sa nasusunog na uling, at si Dafnie Nacalaban, na dalawang buwan nang nawawala at iniulat na natagpuang patay.
“We are reviewing our deployment policies and also trying to review ‘yung kapakanan ng mga matatagal ng OFWs na nandoon sa Kuwait. And as I said, we will come up with the findings on whether to tighten the requirements or impose more stringent measures,” ani Cacdac.
Ipinagbabawal ng DMW ang deployment ng mga first-time OFWs o yaong walang karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
“What we have now is the deferment of first-time OFWs with no overseas experience. We are also implementing the whitelisting and blacklisting of Kuwaiti recruiters, pre-departure briefings, and electronic on-site monitoring.
Everybody goes through pre-departure briefings, and so we know their contact numbers. We meet them personally before they leave,” dagdag pa ni Cacdac.
Samantala, nakikiramay ang DMW sa mga pamilya nina Alvarado at Nacalaban at patuloy na nagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa kanila sa panahon ng kanilang pagluluksa.
Sinusubaybayan din ng DMW ang patuloy na imbestigasyon sa mga kaso ng OFWs upang makamit ang hustisya para sa kanilang pagkamatay at upang mapanagot ang service provider na may kaugnayan sa maling proseso ng repatriation kay OFW Alvarado.
Samantala, inirekomenda ni Committee on Migrant Workers Chairperson Senator Raffy Tulfo sa ginanap na Senate hearing noong 21 Enero 2025 ang total deployment ban ng mga Pilipinong domestic worker sa Kuwait.
“My recommendation is a total deployment ban of domestic helpers in Kuwait. If makipag usap sila sa atin, dapat mahigpit ang irerequest natin na sistema. Continuing the deployment of new Filipino domestic workers in Kuwait without fixing the current system is like sending our workers to the lion’s den,” pahayag ni Senator Tulfo.