Mas may tyansa tayo sa Delta variant

July 26, 2021 Paul M. Gutierrez 62 views

PaulSADYANG nakakabahala ang pagkakaroon na ng Delta variant sa bansa. Alam na natin ang lubhang nakakahawa o mabilis kumalat ang variant na ito na nagsimulang maminsala sa India at ngayon sa Indonesia.

Nagbabala ang OCTA research group na possible umano ang surge o pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa gaya sa Indonesia dahil sa ‘bagsik’ ng Delta variant na ito.

Alam natin na hindi imposible na makapasok sa ating bansa ang nasabing variant at sa pagpasok nito, masasabi nating mas may tiyansa tayo kung tutuusin na makontrol ito.

Hindi sa pagmamaliit natin sa Delta variant na ito. Bagamat lubhang nakakabahala ang kakayanan nitong kumalat nang mas mabilis subalit lubhang natuto na rin ang publiko sa pagharap sa COVID-19.

Sa mga nakaraang buwan, nakita natin ang posibilidad ng pagkilos muli ng tao sa gitna ng pandemya at muling gumana ang ekonomiya. Nakita natin ang kakayahan nating mga Pilipino na umangkop sa sitwasyon. Dahil aminin man natin o hindi, kailangan pa rin talagang mabuhay at maghanapbuhay ang marami sa atin.

Alam natin na naririyan ang tulong ng gobyerno, local man o nasyunal, subalit hindi ito sasapat at magiging pangmatagalan. Sa iba pa ngang mga lugar may kabagalan ang pagbibigay ng ayuda.

Hindi sa pagmamaliit natin sa Delta variant, subalit kailangan din nating tanungin kung ano na ba ang ating mentalidad pagdating sa pandemya? Magandang matuto tayo sa naging karanasan nang ibang mga bansa at hindi ang takot ang dapat manaig sa atin. Kailangan mag-ingat pero hindi kailangan ang takot ang kumontrol sa ating lahat.

Mauunawaan natin ang mga restriksyon o paghihigpit na ginawa at tunay na ito ay may dahilan na makontrol ang pagkalat ng Delta variant. Subalit ang pagkakaroon ng Delta variant ay maaaring magiging sukatan nang ating pagkatuto sa pandemya.

Idagdag pa natin ang patuloy na pagbabakuna sa ating mga kababayan. Bagamat limitado pa ang dating ng mga ito sa ating bansa pero nakikita natin ang pagsusumikap ng pamahalaan na makakuha ng bakuna para sa publiko na makukuha nila ng libre.

Bagamat may mga eksperto na nagsasabi na may mga partikular na bakuna lamang ang may kakayanan na labanan ang Delta variant na ito subalit anumang bakuna ay maituturing nating proteksyon hindi lamang sa ating sarili kundi sa ating kapwa.

Kaya masasabi nating mas may tyansa tayo sa Delta variant na ito kung atin lamang aanihin ang mga natutunan nating aral mula noong nakaraang taon at patuloy na pagbabakuna sa ating mga kababayan. Kailangan din tayong magkaroon ng positibong mentalidad sa pagharap ng pandemya.

Kailangan alam lang atin ang ating gagawin at may mga bagay na tayong patuloy na ginagawa para mapigilan ang pagkalata ng COVID-19. Hindi kailangang maging India o Indonesia ang Pilipinas kung gugustuhin natin.

AUTHOR PROFILE