Trabaho1

Mas maraming oportunidad para sa bagong henerasyon ng magsasaka, tututukan — Trabaho Partylist

December 3, 2024 People's Tonight 160 views

MAPAPALAKAS pa lalo ang sektor ng agrikultura sa bansa sa planong paigtingin ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga agri-graduate ng pampublikong pamantasan ayon sa Trabaho Partylist.

Binigyang-diin ni Trabaho Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David Espiritu sa isang panayam na malaki ang ibubungang oportunidad sa panukala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gamitin ang mga agri-graduate para palakasin ang local seed production sa Pilipinas.

Ayon sa tagapagsalita ng Trabaho Partylist, isang “welcome development” ang plano ng Pangulong Marcos na atasan ang mga ahensya ng gobyerno na makipag-ugnayan sa mga State Universities at Colleges o SUCs upang maipatupad ito.

Sa naganap na pagpupulong ng Private Sector Advisory Council sa Palasyo, ipinag-utos ni Pangulong Marcos na dapat tutukan ng mga SUCs ang research and development upang mapalakas ang local seed production.

Ayon kay Pangulong BBM, hindi na dapat sa seed growth ang pakay ng mga SUC, kundi na rin sa pagtuklas ng iba’t ibang technique para mapalakas ang food security ng bansa.

Naniniwala si Atty. Espiritu ng Trabaho Partylist na dadami ang oportunidad para magkatrabaho at magkahanapbuhay ang bagong henerasyon ng mga magsasaka sa pagtutok ng administrasyon sa pangangailangan ng sektor ng agrikultura.

Aniya, mapapalawig pa lalo ang interes ng publiko at ng iba’t ibang grupo ng negosyante ang sektor ng agrikultura upang mapaunlad ito ng mga manggagawang Pilipino, para sa mas nakararaming Pilipino.

AUTHOR PROFILE