Allan

Mas mabangis na aksiyon sa food emergency

February 17, 2025 Allan L. Encarnacion 207 views

MAGKAHALONG saya at lungkot ang ating naramdaman nang mapanood ko ang documentary tungkol sa mga paraan ng ating mga magsasaka sa Nueva Ecija kung gaano sila kaagresibo para mapaunlad ang kanilang sakahan.

Ang Nueva Ecija bilang orihinal na rice granary ng bansa magmula pa noong dekada sa 60 ay hindi na ganoon kalakas mag-produce ng bigas. Ang Isabela rin ang nasa kategorya ng mga pamosong rice-producing province sa mahabang panahon subalit sa mga lumaon na panahon, nawala na sila sa ganoong kalibre.

Ang mga magsasaka pala sa Nueva Ecija ay nag-aaral at nag-aalaga ng mga binhi ng may iba’t ibang katangian. Dahil sa mga kalamidad, pagbabaha at matinding climate change na dinaranas ng mundo ay kailangan nilang makatuklas ng mga rice resilient o mga butil na matitibay sa bagyo at mga kalamidad.

Ang bansa natin ay nakilala sa pagiging magaling magtanim at malakas umani ng palay. Isa tayo sa pinakamalakas na rice producer sa buong Asya noon. Katunayan, tayo pa ang nagturo sa mga magsasaka ng Thailand at Vietnam kung paano magpalago ng sakahan.

Sila iyong mga bansa na tinuruan natin noon na magtanim ng palay at magparami ng ani pero sa kasawiang palad, sa kanila na tayo bumibili ngayon ng mga imported rice makalipas lang ang ilang dekada.

Ang problema, hIndi kasi tinutukan ang sektor ng pagsasaka sa mahabang panahon dahil naging bisyo na natin ang mag-import kaya ang talagang tinatamaan ay ang mga magsasaka natin.

Itong food emergency ay isang pagkakataon sanang maitama ang mga mali sa sistema. Ang naging pangunahing aksiyon matapos ang deklarasyon ay ilabas ang mga nakaimbak na bigas sa bodega ng NFA—na kalaunan ay ibinebenta nang palugi.

Okey lang sana ito dahil hindi naman talaga dapat nagpapatubo ang gogbyerno sa kanyang mga mamamayan. Pero ang hinahap ko sanang mabangis na aksiyonn ay ang ma-raid ang mga bodega na nagtatago ng bigas para ibenta sa mataas na presyo kapag nagkagipitan sa supply.

Maraming negosyante ang nagsasamantala sa kahit anong panahon kaya nga mas nagkaroon ng poder ang pamahalaan sa food emergency declaration pero hindi pa natin nama-maximize. Dapat habulin ng deklarasyon na ito ang mga negosyanteng kumukontrol sa merkado para lumabas ang tunay na presyo ng bigas kada kilo.

Ang pagkakaalam natin, bumaba na ang presyo ng bigas sa world market pero bakit dito sa atin ay patuloy na pa ring tumataas?

May mga nakausap tayo na kabisadp ang isyu ng bigas at nagpadala siya sa atin ng kanyang sariling pahayag ukol dito:

‘“Ayusin lang tariff, ipaliwanag ang P20B nawala and P10B import fee or 2 pesos per metric ton. Bumaba na rin world market. Dapat P31 na lang ang presyo kada kilo. 50% lang bayad sa customs tax kaya dapat mas mababa pa ng todo. Mga importer/trader talaga ang nagsasamantala dyan na dapat habulin ng DA,” sabi pa ng ating nakausap.

Kaya nga nanawagan tayo sa Department of Agriculture na lagyan pa ng pangil ang deklarasyon para totoong maramdaman ng ating mga kabababayan ang pagbaba ng presyo bigas sa merkado at masuportahan ang Rice for All program ng pamahalaan.

[email protected]