Lily8

Marya in denial sa pagkawala ni Mother Lily

August 6, 2024 Vinia Vivar 141 views

Sa unang gabi pa lamang ng lamay ng Regal Films producer na si Mother Lily Monteverde nitong nakaraang Lunes ay dumagsa na ang mga celebrity na nakiramay sa pamilya ng film icon.

Isa nga sa mga dumating sa unang gabi ng wake ay si Maricel Soriano, na matatandaang ni-launch ni Mother Lily bilang isa sa kanyang first Regal Babies in 1980 at nakagawa ng napakaraming blockbuster movies sa Regal Films kabilang na ang “Underage,” “Inday Bote,” “Babaeng Hampaslupa” at marami pang iba.

Ayon sa Diamond Star sa isang interview, hindi lang basta producer si Mother Lily sa buhay niya kundi itinuring niya itong second mom sa showbiz.

“She’s really like a mother. When she’s mad, she gets mad at me talaga. Pagagalitan talaga ako. Walang mga label-label do’n. Pagagalitan ka talaga ng nanay mo,” pag-alala ni Marya.

Pero ‘pag nasiyahan naman daw ito sa kanyang ginawa at nag-hit ang pelikula ay kakantahan pa raw siya nito ng “Maria Went to Town.”

Kilalang-kilala na niya si Mother Lily na alam din niya ang dapat gawin kapag mainit ang ulo nito.

“‘’Pag mainit ang ulo, ‘wa ka talk. Silence is the best. Huwag ka na magsasalita kasi hindi mo siya pwedeng sabayan, magagalit. Eh, tama naman, kasi nagsasalita nga naman siya,” aniya.

Kahit nga known mataray din si Marya, never daw siyang nagtaray kay Mother Lily.

“Kasi, ang tawag do’n, respeto, hindi ba? Ang tingin ko kay Mother, nanay ko talaga,” she said.

Through the years ay hindi raw siya nawala sa Regal at lagi siyang nandiyan tuwing kailangan siya ng Regal matriarch. May panahong nagla-lie low siya pero once na pinabalik siya ni Mother Lily ay bumabalik naman siya.

“Hindi ako nawawala sa Regal, kahit anong mangyari. ‘Pag kailangan ako ni Mother o ni Roselle (Monteverde, anak ni Mother Lily) nandiyan ako,” saad ng award-winning actress.

Nang huli silang magkita ng Regal matriarch ay malakas pa ito kaya hindi siya makapaniwala na wala na ito ngayon.

“Up to now, I’m in denial. Hindi nagsi-sink-in sa akin. Kasi ayoko, eh,” aniya.

“Sobra ang ginawa ni Mother for us. I’m very grateful and thankful dahil si Mother Lily ang napili ni Lord na makasama namin sa matagal na panahon at makatrabaho,” saad ni Marya.

Narito naman ang message niya para sa mga anak ni Mother Lily: “Para kay Dondon, kay Goldwin, Sherida, Meme, saka si Roselle, si Winnie, alam ko napakahirap mawalan. Lakasan lang natin ang loob natin kasi ito will ni Lord sa atin.

“Masasanay din kayo, kaya lang, huwag n’yo siya talagang kakalimutan kahit anong mangyari. Pero ang alam ko, eh, si Father (Remy, yumaong asawa ni Mother Lily) at si Mother, sobra-sobra nila kayong mahal lahat, ‘yung mga anak nila.

“Kayo lahat, ‘yung mga anak nila sobra nila kayong mahal. Hindi sila magkakaroon ng ganitong empire kung hindi nila kayo mahal. Iiwan nila lahat ito para sa inyo. Kaya huwag n’yo silang kakalimutan. I love you all.”

Pumanaw si Mother Lily last Aug. 4 sa edad na 84.

AUTHOR PROFILE