Market helper patay sa saksak dahil sa online sabong

November 3, 2021 Francis Naguit 109 views

PAGTATALO umano sa pustahan ng “online sabong” na kilalang “talpakan”ang naging dahilan ng pagkamatay ng isang 38-anyos na market helper, makaraang tadtarin ng saksak ng kanya umanong nakatalo sa Carmen Planas St., Binondo, Manila.

Kinilala ang biktimang si Jeffrey Mirabona, ng Blk 36 Kaunlaran Village,Dagat-dagatan,Caloocan City.

Isang alyas “Waray” na may taas na 5’0 at kulot ang buhok ang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad .

Base sa ulat na isinumite ni Det. Teody Seguen kay P/ Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 5:30 ng madaling araw nitong Miyerkules nang maganap ang krimen sa Carmen Planas St.

Ayon sa report ng pulisya, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng suspek at ni Mirabona nang magkita silang dalawa sa lugar hinggil sa pustahan sa “online sabong”

Habang nasa kasagsagan ng mainitang argumento, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at pinag uundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Isang Leonido Velado,kulilig driver, ang mabilis na tumulong upang maisugod si Mirabona sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center(GABMMC), subalit hindi na ito naisalbang ng mga doktor. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE