Default Thumbnail

Marites sa Paranaque City Hall

July 18, 2022 Marlon Purification 435 views

Marlon PurificationMEDYO hindi kagandahan ang naririnig nating ‘Marites’ sa Paranaque City Hall.

Malaki raw kasi ang tampo ngayon ng karamihan sa mga City Hall employees kay bagong upong Mayor Eric Olivarez.

Diumano, marami raw tinanggal na empleyado si Mayor Eric at karamihan sa mga ito ay mga dati nang empleyado.

Noong unang araw nga raw ng flag ceremony sa City Hall, pinaakyat ni Mayor Eric ang mga bagong department head na ikinabigla ng lahat.

Ang tingin ng marami, ayon sa mga Marites, ang bago nilang mayor ay diumano malayo sa liderato noon ng nakatatandang kapatid na si dating Mayor at ngayo’y Congressman Edwin Olivarez.

Sa ganang akin, ‘unfair’ masyado para husgahan ng maaga ang pamamahala ni Mayor Eric.

Bilang bagong Ama ng Lungsod, may karapatan itong ilagay ang mga taong tingin niya’y may karapat-dapat at buo ang kanyang tiwala.

Nagdulot lamang siguro ng ‘negative’ na reaksiyon para sa mga ‘tinamaang’ department head dahil hindi nagkaroon ng maayos na dayalogo para sa kaukulang ‘transition’ ng mga maaapektuhang departamento.

Pero tulad ng mga pangkaraniwang lider ng pamahalaan, may kanya-kanya tayong ‘management style’ na maaaring ikabibigla ng lahat, lalo kung iba naman ang uri ng pamamahala ng pinalitan niyang pinuno, katulad ng kapatid na si Cong. Edwin.

May tiwala tayo kay Ma’am na alam nito kung hanggang saan lamang ang ilalatag nitong programa bilang First Lady ng lungsod.

Bilang local chief executive, dapat ingatan din ni Mayor Eric ang Sangguniang Panglungsod dahil kapag dumating ang panahon na ultimo mga konsehal niya ang makapupuna ng sinasabing maling pamamahala niya, malaking problema na ito para sa pamilya Oliverez.

Dapat din pakinggan ni Mayor Eric ang anumang hinaing at problema ng mga barangay captain sa lungsod, gayundin ang kanilang local leaders dahil kahit saang elective position sa pamahalaan – national o local posts man — napakalaking bagay ng grupong para manalo sa mga susunod pang halalan ang sinumang pulitiko.

Silang mga local leaders at barangay captains din ang magiging daan upang maging matagumpay ang anumang programang panglokal ng bawat alkalde.

Sana, anuman ang hindi pagkaintindihan na nangyayari ngayon sa Paranaque City Hall ay maayos agad ito sa lalong madaling panahon.

Ipinapakiusap ko na rin kay Mayor Eric na sana maging dibdiban ang ginagawa nilang ‘clearing operations’ ngayon sa mga kanal at drainage sa lungsod, gayundin ang tamang garbage collection.

Nitong mga nagdaang araw kasi, kaunting ulan lang ay binabaha na ang ilang lugar.

Maging priority project sana ito ni Mayor Eric, gayundin ang pagsasaayos sa anumang kaunting ‘kaguluhan’ sa City Hall.

Dahil ‘at the end of the day,’ kapag hindi napatino ni Mayor Eric ang kanyang pamamahala, baka wala nang Olivarez pa ang makaupo sa City Hall sa darating na 2025.

Huwag naman sana, lalo’t maayos naman ang naging pamamahala noon ni Mayor Edwin.