Mendoza LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II

Marikina jeep operators, drivers nagpasalamat kay Mendoza

August 10, 2024 Jun I. Legaspi 117 views

NAGPAHAYAG ng pasasalamat ang mga operator at driver ng jeepney sa Marikina kay Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II para sa agresibong anti-colorum drive na nagresulta sa pagtaas ng kanilang kita.

Bago ang regular na operasyon laban sa colorum sa Marikina City, nahihirapan ang mga driver ng jeep na kumita ng kahit P6,000 kada araw dahil sa presensya ng mga colorum na operator na nakaapekto sa kanilang inaasahang kita.

Dahil dito, kailangang pahabain ng mga jeepney driver ang kanilang oras ng pagtatrabaho sa kalsada upang makakuha ng sapat na pera para sa boundary at para sa pera na kanilang maiuuwi sa kanilang mga pamilya.

“Dahil po sa anti-colorum, maaga na pong nakakauwi kaming mga jeepney driver,”text message mula sa isang driver ng jeepney sa Marikina.

“Dati po pahirapan ang P6,000 at kailangan naming magtrabaho ng mas maraming oras. Pero po ngayon, lahat po kami dito ay nakaka-P10,000 na at maaga pa kaming nakakagarahe at magpahinga,” sabi ng isa pang driver ng jeep kay Assec Mendoza.

Sinabi ni Assec Mendoza na siya ay natutuwa sa positibong resulta ng anti-colorum operations, lalo na sa mga ordinaryo at lehitimong driver na sumusunod sa regulasyon ng gobyerno.

Aniya, ito ang tunay na layunin ng utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista, na naglalayong magbigay ng law enforcement assistance sa mga lehitimong driver at operator.

“Ginagawa lang po natin na patas ang laban para sa mga kasamahan nating jeepney drivers at operators na lumalaban ng patas sa pamamagitan ng pagsunod sa regulasyon ng ating pamahalaan,” ani Assec Mendoza.

Nauna nang sinabi ng transport groups na ang iligal na operasyon ng mga colorum na sasakyan ay kumukuha ng 30 porsiyento ng arawang kita ng kanilang mga miyembro.

Ang LTO, sa pamamagitan ng kooperasyon at tulong ng transport groupd, ay nagsagawa ng agresibong anti-colorum drive.

Sa panig ng LTO, naglabas din ng direktiba si Assec Mendoza na kailangan ng court order ang lahat ng colorum na sasakyang na-impound bago ilabas bilang bahagi ng pinaigting na drive.

AUTHOR PROFILE