Marian sugat at galos ang inabot sa Cinemalaya entry
IPINALABAS na sa Facebook page ng Cinemalaya ang official 15-seconder trailer ng “Balota” na pinagbibidahan ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera at umani nga agad ito ng papuri mula sa netizens.
Kasunod naman nito ay in-upload din sa official Facebook page ni Marian ang ilan sa mga eksena kung saan makikita na umaakyat siya sa mataas na puno.
“Kinabahan ako nang sobra pero kinaya…,” caption ng aktres sa kanyang post.
Marami ang humanga dahil ipinakita ni Marian kung paanong ‘buwis-buhay’ ang nagagawa ng isang guro tuwing eleksyon.
Sa kabila ng lahat ng mabibigat na eksena ay ibinahagi naman ng Kapuso actress na malaking tulong na ginabayan siya ni Direk Kip Oebanda sa buong pelikula.
“Masasabi ko siguro na naging madali para sa akin hubugin ang character ni Teacher Emmy dahil napakagaan kausap ni Direk. Kumbaga, hinuhulma niya sa akin kung sino si Teacher Emmy so hindi mahirap na pasukin ‘yung character na iyon,” ani Marian.
Sa isang interbyu naman ay ibinahagi ni Direk Kip ang pagiging collaborative ng kanyang bida.
Dagdag pa niya, “She’s very daring when it comes to what she’s willing to do physically. Umakyat ng puno, pumunta sa mga ugat-ugat ng puno na putik-putik, masugatan, madapa.”
Mas pinili rin daw gamitin ni Marian ang actual 2007 ballot box, kung saan niya nakuha ang halos lahat ng sugat at galos sa buong pelikula.
Handog ng GMA Pictures at GMA Entertainment Group, isa ang ‘Balota’ sa mga dapat abangan sa taunang Cinemalaya Film Festival simula Agosto 2.