
Marian insecure sa balakang at pag-i-Ingles
Aminado si Marian Rivera na selosa siya noon kay Dingdong Dantes pero may dahilan naman daw kung bakit siya nagseselos.
“Ang babae, hindi magseselos nang walang dahilan,” sey ni Marian sa vlog ni Karen Davila.
Hindi raw totoo na kapag nagselos ka sa asawa o partner mo, ibig sabihin ay wala kang tiwala rito.
“No, nature ng babae ‘yan. Kapag may nakikita ka na alanganin na ginagawa ng babae doon sa partner mo, alangan namang ‘ay, ang galing, ang sweet nila together, kinikilig ako.’ My God, napaka-ipokrita no’n. No, no, no for me,” aniya.
“Kapag may sitwasyon na nakikita mong alanganin, magre-react ka talaga. ‘Yun lang, ang problema ko do’n, nagre-react agad ako du’n sa babae. Dapat pala, sa kanya (Dingdong) ako nagre-react! Gano’n. Mali!” dagdag pa ng aktres.
Pero nilinaw ni Marian na nakipagbati na siya sa lahat ng mga babaeng inaway niya noon.
“’Pag nakikita ko sila, naiilang sila kasi alam nila ‘yung sitwasyon kung bakit ko ginawa ‘yun sa kanila. Pero ngayon, ‘pag nakikita ko (sila), I’m trying to be civil,” kwento ni Yan.
Naitsika nga rin niya na naloka ang isang girl dahil sinabihan niya ito na napatawad na niya ito.
“May isang pagkakataon na ako na ‘yung nag-initiate na ‘pinapatawad na kita.’ Naloka siya,” sambit ni Marian.
Paliwanag pa niya, “Parang ang punto ko kasi sa buhay, sobrang happy ako sa ibinigay ni Lord sa akin, wala nang dahilan para ‘yung bitterness ko, nandito pa. Parang ni-let go ko na ‘yan. Parang sa isip-isip ko lang, ‘learn your lesson, girl, ha? Huwag mo nang gawin sa iba ‘yan.’”
Bukod dito ay mas okay pa rin na walang kaaway.
“Mas masarap pa rin ‘yung wala kang kaaway, na pinapatawad mo ‘yung mga taong nakagawa ng kasalanan sa ‘yo,” aniya.
Asked kung mayroon pa ba siyang insecurity, ayon kay Marian, hindi naman nawawala ‘yan sa isang babae.
“Before, ‘pag sumasali ako ng pageant, palaging ako ‘yung pinakamaliit. Saka siguro ‘yung balakang ko, minsan kasi, feeling ko ‘pag naka-dress ako, sobrang laki ng balakang. Sabi ko, ‘hello, Spanish blood,’” natatawang sabi ni Marian.
Inamin din niya na isa pa sa insecurities niya ang pagsasalita ng Ingles. Kumportable siya sa pagsasalita ng Tagalog at okay na siya na ang mga anak na niya ang magpuno sa kakulangan niya, especially so Zia, na napaka-fluent daw sa English.