Marcos estate tax isyu paninira nga lang ba?
DAHIL mag-eeleksyon at tumatakbo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang pangulo sa May 9, naungkat ang P203 billion estate tax na hindi pa raw nababayaran ng Marcos heirs.
Tingin ng mga Marcos supporters at loyalists, “black propaganda” laban kay BBM ang nasabing isyu lalo’t siya ang nangunguna ngayon sa mga surveys.
Tanong tuloy ng mga BBM supporters, “Bakit ngayon lang lumabas ang isyu gayong 1999 pa raw pala ang kaso”?
At kung totoo daw ang sinasabi ng mga kalaban ngayon ng Marcos family na may pinal na desisyon na ang Korte Suprema na dapat bayaran nila ang “estate tax” ng yumaong Ferdinand Marcos Sr., bakit hindi raw ito nasingil noon pa?
Nakapagtataka raw kasi na simula noong panahon ni pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo, at sa termino ng yumaong Noynoy Aquino, na kilalang galit sa Marcos family… bakit hindi nakolekta ng pamahalaan ang naturang buwis na umaabot na raw sa P203 billion?
Kung sina Marcos ang tatanungin, nakabinbin pa rin daw sa korte ang kaso dahil pinagtatalunan pa kung nakaw o “ill gotten” ba ang mga ari-arian ng kanilang ama.
Pero sa panayam kamalailan ng dyaryong Manila Bulletin sa ilang BIR officials, pero takot magpabanggit ng pangalan, hindi na kailangang singilin ang pamilya dahil matagal na nilang nakumpiska ang mga ari-arian ni marcos.
Matagal na raw ibinibenta ng BIR ang mga ari-arian ni marcos, simula pa noong mamatay ito, pero wala naman daw bumibili nito.
Ganito rin ang sinabi ng CPA at tax expert na si Mon Abrea sa panayam ng ABS-CBN noong Marso.
Ani Abrea, ibenta na lang ng pamahalaan ang mga ari-arian ni Marcos para mabayaran ang P203 billion na utang nila sa BIR
Si presidential candidate at Manila Mayor Isko Morenk ang unang nagsiwalat ng sinasabing anomalya na sinakyan na ng ibang kandidato, mga indibidwal, at mga grupo na kontra sa Marcos family.
Pero ang hindi naipaliwanag ni Isko at iba pa, maaaring hindi nila alam o marahil itinatago lang nila ang katotohanan, nakumpiska na “in favor of the government” ang Marcos wealth at ibinibenta na ito ng bir.
Kaya kung ang mga BBM supporters ang tatanungin, na-fake news ang marami sa balitang umiiwas ang mga Marcos sa pagbayad ng estate tax.