Marven

Marco, nanuhol ng truck driver para hatiran ng nilutong pagkain si Heaven

July 20, 2023 Ian F. Fariñas 132 views

GRABE ang kilig ng fans nina Marco Gallo at Heaven Peralejo (MarVen) sa candid video na ipinost namin sa TikTok na kuha sa katatapos na mediacon ng bagong romance anthology drama na For the Love ng Viva TV at Sari Sari sa TV5.

Nahagip kasi sa video ang pag-squat ni Marco para tulungang ayusin ang strap ng sandals ni Heaven bago ang photo op ng cast at host na si Pops Fernandez with the entertainment press.

Ang ilan sa netizens ay hindi makapaniwala na may lalaki pang tulad ni Marco na gentleman at sobrang ma-in love sa babae.

Patuloy naman ng ilan, sobra talagang maalaga ang aktor sa aktres.

Sa Q&A portion nga, inamin ni Marco ang isang “kabaliwan” na ginawa niya para kapwa Viva Artists Agency (VAA) artist.

May pagkakataon daw na minsang umuulan at wala siyang ma-book na Angkas o Grab, nang-bribe siya ng Lalamove truck driver para lang mahatiran ng niluto niyang pagkain si Heaven sa bahay.

Alam ni Marco na bawal ang ginawa niya, pero kinailangan lang talaga.

Pinatunayan naman ng aktres ang sinabi ng aktor. Katunayan, basang-basa pa nga raw itong dumating sa bahay nila dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Nang tanungin kung ano naman ang isinusukli niya rito, sinabi ni Heaven na willing siyang gawin ang lahat para kay Marco basta’t nasa tama.

Nang hingan sila ng kanta para sa isa’t isa, XO ni John Mayer ang isinagot ni Marco habang Labyrinth naman ni Taylor Swift ang ibinigay ni Heaven.

Certified Swifties pala ang dalawa. Pero sad to say, hindi sila nakabili ng ticket para sa Eras Tour ng sikat na international singer. Kapalit nito ay manonood sila ng upcoming Coldplay concert dito sa ‘Pinas.

Bukod sa pagiging featured artists ng isang For the Love episode, muling mapapanood ang tambalang MarVen, na lubos na tinangkilik ng fans sa successful Viva One series na The Rain in España, sa Viva movie na The Ship Show.

Sa ilalim ng direksyon at panulat ni Jason Paul Laxamana, ang The Ship Show ay magbubukas sa mga sinehan nationwide sa August 9.

Kasama nina Marco at Heaven sa pelikula sina Tomas Rodriguez, Ashtine Olviga, PJ Rosario, Angelic Guzman, Migo Valid, Janine Teñoso, Martin Venegas, Madelaine Red, Rabin Angeles at Bianca Santos.

AUTHOR PROFILE