Andrei1

Marco, maraming tanong sa pagkamatay ng apo

April 11, 2023 Ian F. Fariñas 379 views

OPMTANGGAP na ng OPM icon na si Marco Sison ang biglaang pagyao ng apong si Andrei Sison sa car accident kamakailan pero marami siyang tanong at isa na rito ang rason sa maagang pagkawala ng budding Sparkle GMA Artist Center talent.

Sa mediacon kahapon ng upcoming concert ni Marco na The Class of OPM kasama ang kapwa OPM legends na sina Rey Valera, Dulce, Jim Paredes at Boboy Garvillo (ng APO Hiking Society), inamin ng balladeer na, “Marami akong tanong pero ayoko namang tanungin ‘yung design. Kaya lang, siyempre, ‘yun ang laging sinasabi. ‘Everything happens for a reason.’ Ano ‘yon? So, sabi ko, that I have to find out.

Hihintayin ko ‘yon in the coming days, months, years, kung ano ‘yon. Kung anong reason, ‘di ba? Kasi ang dating sa akin, parang sakripisyo… for something, what? Bigger? Better? Brighter?”

Dagdag niya, “He’s so full of life, ‘di ba? So promising, so talented and then, wala lang. Hanggang doon lang. ‘Di man lang niya naranasan ‘yung sarap ng buhay ng isang tao.”

Naikwento rin ni Marco na nu’ng 18 months old pa lamang si Andrei, nahulog ito mula sa condo unit ng pamilya nila sa third floor.

“Nahulog ‘yan sa third floor ng condo na tinutuluyan nila. Walang nangyari sa kanya, eh. Parang meron lang siyang scratch dito (sabay turo sa likod ng ulo). Actually, nagpa-panic si tatay niya, si Alain (anak ni Marco). Sabi ko dalhin agad sa ospital. Pero as I said, wala talagang nangyaring malala.”

Marahil nga raw ay nasalo si Andrei ng anghel niya that time.

Kaya hindi maubos maisip ni Marco na mawawala ang apo sa aksidente habang sakay ng kotse, naka-seatbelt at may iba pang proteksyon tulad ng airbag, etc.

“Nakakabingi ‘yon, eh, ‘di mo alam kung totoo,” pagbabalik-tanaw ni Marco nang tawagan siya ni Alain that fateful day. “Tapos tatay ka, magbibiro ka nang ganu’n? Naniwala ako. Kaya lang, bakit ganu’n? ‘Di ko tinanong kung totoo. Basta bakit kaya? Kasi galit kaagad, ‘di ba?

‘Yung question mark na ‘everything happens for a reason.’ Sige, aabangan ko ‘yan kung ano ‘yung rason na ‘yon. Ngayon, hindi natin alam kung ano ‘yon,” ulit ng singer.

Aniya, nasa stage na siya ng buhay na pati ang mga negatibong nangyayari ay nahahanapan na niya ng positibo. Kaya naman tuloy lang ang buhay para sa naulilang lolo.

Muli nga siyang sasabak sa live concert scene kasama sina Rey, Dulce, Boboy at Jim sa The Class of OPM, isang fund-raising event para sa Soroptimist International of the Americas Philippines Region na nangangalaga sa underpriviledged girls and women.

Produced ng Echo Jham Entertainment Production, ang The Class of OPM ay gaganapin sa May 3 sa The Theatre at Solaire. Special guests sina Andrea Gutierrez, Elisha at VR Caballero.

AUTHOR PROFILE