Marco, batang Marcos sa ‘MoM’
UNTI-UNTI na ngang nabubuo at pinapangalanan ang mga artistang magiging bahagi ng Martyr or Murderer, ang part 2 ng blockbuster Viva Films movie na Maid in Malacañang, matapos ianunsiyo ng controversial director na si Darryl Yap ang pagkakapili kina dating Manila Mayor Isko Moreno bilang former Sen. Benigno “Ninoy” Aquino at Marco Gumabao sa papel ng batang dating Pangulo na si Ferdinand Marcos Sr.
Sa kanyang Facebook page ipinost ni Direk Darryl ang magkatabing litrato nina Marco at former Pres. Marcos Sr. sabay lagay ng caption na: “Batang Macoy. Marco Gumabao is the young Ferdinand Marcos.”
Dahil dito, ilang araw nag-trending ang hashtags na #MarcosAsBatangMacoy #IskoMorenoAsNinoy at #MartyrorMurderer. May mga approve sa choice at nagsabing perfect si Marco sa role.
Meron din namang nag-warn sa cancel culture na maaring kaharapin ng aktor dahil sa proyekto.
Kaya sey ni Direk Darryl, “mga beh, looktest pa lang namin mamaya, kalma tayo.”
Bago ito, nag-post din siya ng, “Kalma po tayo, next year pa po.”
Sa February 25, 2023
pa ang target playdate ng Martyr or Murderer, pero gaya ng Maid in Malacañang noon, sobrang ingay at init na ng pag-uusap dito ngayon pa lamang.
May netizens pa ngang nambabash sa direktor kung bakit sumasabay siya sa publicity ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entries.
May sagot dito si Direk Darryl.
Aniya, “Mga Beh, nagagalit kayo sa akin dahil nagpopost ako tungkol sa casting ko gayung may MMFF 2022 pa na parating?
“yung iba nga nagpapresscon na ng pelikula nila sa 2023 — di kayo umimik.
“Bakit naman ako madadamay sa MMFF 2022? wala naman akong entry dyan.
Kelan ba mga birthday nyo para maiwasan ko rin. mamaya magpost ako, maupstage ko pa celebration nyo.”
Inisa-isa rin ng direktor ang kanyang achievements para malinawan ang doubters niya. Inilista niya ang mga ito mula Jowable ni Kim Molina, na umani ng P115 million sa takilya nu’ng 2019 hanggang sa 13 iba pang proyektong hinawakan niya, kabilang na nga ang MiM, na humakot ng halos P1 billion worldwide.
Dugtong ng direktor sa FB post, “Moral Lesson? Wala. Walang Nagkakatotoo kapag ang nagsabi ay yung Totoong Walang Karir.”
Anyway, bukod kina Marco at Isko, hawak na rin ng iba pang cast members ang script ng MoM.
Isa na rito si Ruffa Gutierrez, na muling gagampanan ang papel ng idolo at paborito niyang si former First Lady Imelda Marcos.