Investors

Maraming Pinoy aprub sa pagpasok ng foreign investors

April 3, 2024 People's Tonight 93 views

Mas maraming trabaho, mas murang bilihin inaasahan

NAKARARAMING Pilipino ang naniniwala na ang pagluwag sa limitasyong nakasaad sa Konstitusyon sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa bansa ay lilikha ng maraming trabaho, mas maayos na serbisyo, at pagbaba ng presyo ng mga bilihin, ayon sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ng international think tank na Stratbase Institute.

Inilabas ng poll firm ang resulta ng survey nitong Miyerkules kasabay ng isinagawang consultative session kaugnay ng panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon na inorganisa ng grupong Democracy Watch Philippines.

Isinagawa ang survey noong Marso 6 hanggang 10, 2024 at kinuha ang opinyon ng may 1,200 respondent mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tinanong ang mga respondent kung ano ang nakikita nilang kalalabasan sa pagluwag ng mga probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas sa pagnenegosyo ng mga dayuhan sa bansa.

Anim na opsyon ang ibinigay sa mga respondent na pinayagan na mamili ng hanggang tatlong sagot.

Ang pagluwag sa limitasyon sa pamumuhunan ng mga dayuhan ang pakay ng Resolution of Both Houses 7 na inaprubahan ng Kamara kamakailan.

Batay sa resulta, 64% ng mga Pilipino ang naniniwala na ang pagluwag sa restriksyon ay magreresulta sa mas dekalidad na trabaho na may mas mataas na suweldo at benepisyo habang 56% naman ang naniniwala na bubuti ang kalidad ng serbisyo.

Higit sa kalahati o 55% ng mga Pilipino ang naniniwala na magreresulta ito sa pag domina ng foreign capital sa local investors at mga negosyo at may 54% naman na nagsabi na bababa ang presyo ng bilihin at serbisyo.

Itinanong din sa survey kung ano ang tingin nilang humahadlang sa pagpasok ng foreign investments sa Pilipinas.

Binigyan sila ng pagkakataon na pumili ng sagot mula sa walong opsyon.

Mayorya o 56% ang nagsabi na ang komplikadong mga panuntunan at regulasyon gaya ng red tape at pagbago-bago ng polisiya, habang 55% ang tinukoy ang restrictive rules sa foreign ownership.

Nagsabi naman ang 56% na dahil sa korapsyon ng pampublikong sektor at 40% ang sumagot ng kakulangan sa pang transportasyong imprastraktura.

Sa ginanap na consultative discussion, tinuran ni Stratbase Institute President Dindo Manhit na “investments are a crucial tool in increasing a nation’s productivity while also generating employment, providing income security, and alleviating other economic hardships being experienced by millions of Filipinos”.

Sinegundahan din nito ang resulta ng survey at iginiit na kailangan ng isang business environment na susuporta sa pag-unlad at inobasyon sa pamamagitan ng mga polisiya na market-friendly, transparency, at mabuting pamamahala para mas mahikayat ang mga dayuhan na mamuhunan sa bansa.

Sabi naman ni Canadian Chamber of Commerce of the Philippines President Julian Payne na kailangan luwagan ang economic restrictions para makasabay ang Pilipinas sa “competitive world.”

“When we talk about charter change, we shouldn’t be talking about just liberalization… we are talking about flexibility and immediate response to this changing world of globalization, digitalization economies, and rapid change,” sabi ni Payne.

Tinuran naman ni Foundation for Economic Freedom Board Member Gary Teves, na panahon na upang makasabay ang mga batas ng Pilipinas sa ibang bansa lalo na at malaki ang binubuksang potensyal ng mga foreign trip ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamumuhunan.

“If the legal framework in the Philippines is so different from the others, they might say let’s just go out to the next country,” dagdag ni Teves.

Sinang-ayunan naman ito ni TradeAdvisors CEO Tony Abad. “What is guaranteed is we keep the Constitution as is, you’ll keep out the investors,” aniya.

Hirit pa ni Abad na kayang isabay ang pagtugon sa iba pang isyu maliban sa pag amyenda ng Saligang Batas.

“We can’t have a rigid, old-fashioned and very faulty Constitution in place. It’s gonna be a great disservice to the population. You need a Constitution that makes your government and your people move fast – address changes quickly. That’s why there’s no sequencing, you don’t have to address corruption first,” saad niya.

Sa panig naman ni FEF lead economist Cha Ubarra may mga batas na ipinasa para buksan ang pintuan ng Pilipinas sa foreign investments ngunit maaari itong maharap sa constitutional challenge kung hindi maamyendahan ang Konstitusyon.

“What adding ‘unless otherwise provided by law’ can do is to stop the possibility of that door locking again,” wika ni Ubarra.

AUTHOR PROFILE