Default Thumbnail

Maraming bata ang hindi makapa-aral na mabuti

December 6, 2021 Vic Reyes 241 views

Vic ReyesMUKHANG tama ang pananaw ni NED Chief Karl Kendrick Chua tungkol sa COVID-l9.

Kailangang ituring natin na isa lang “endemic” o “common” na sakit ang COVID-l9 kagaya ng flu.

Ito ay upang hindi matakot ang mga tao na lumabas para mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya sa kabila ng pagsulpot ng mga variant ng virus.

Sinabi pa ni Chua na “the reality today is that the virus is not going away easily.”

Dagdag pa niya: “And we will have to live with it for a longer period of time, similar to, maybe, the flu.”

Ayon sa kanya, dapat mag-focus tayo sa pagbabakuna at pag-minimize sa mga ”severe” at kritikal na kaso.

Snabi ni Chua na kasama ang Singapore at Portugal sa mga bansang itinuturing na isa lang “common” na sakit ang COVID-l9.

Ang mga bansang ito “have already made strides in returning mobility and public transport, as well as reopening schools and economic sectors like travel and tourism.”

Kagaya ni Chua, marami ang naniniwala na ito ang landas na tatahakin ng bansa kung gusto nating makabangon ng mabilis.

Dahil hindi madaling mapuksa ang virus, dapat talagang pag-aralan nating mabuhay na nandiyan ang sakit na ito.

Ituring natin na parang trangkaso, ubo, tb, sipon at iba pang nakagisnang sakit.

Pero kailangan pa rin tayong sumunod sa mga health protocol na inilatag ng mga eksperto.

****

Totoo namang maraming mga bata, lalo na ang mga nag-aaral sa elementarya, ang hindi makapag-aral ng mabuti.

Iba talaga ang face-to-face classes dahil hindi naman mga guro ang mga magulang.

Maraming magulang nga ang hindi pa nakatapos ng elementarya man lang.

Ang mga magulang namang nakatapos ng kolehiyo ay may mga trabaho at walang panahon para turuan ang mga anak.

Iyong iba ngang tapos ng kursong edukasyon ay hindi makapagturo dahil hindi makapasa-pasa sa board exam.

Ang ibig sabihin niyan ay kailangang dalubhasa sa pagtuturo ang dapat magturo sa mga bata.

Kaya huwag nating asahang may matututunan ang mga bata hanggat walang face-to-face classes.

Pagsikapan nating maibalik na ang dati nating pamumuhay para may matutunan na ang ating mga anak.

Sana pagbubukas ng school year 2022-23 sa Hulyo ng susunod na taon ay balik classroom na ang mga bata.

Tama ba kami, Education Secretary Leonor Briones?

***

Dapat bantayang mabuti ng gobyerno ang presyo ng mga bilihin habang papalapit ang Pasko.

May mga nagsasamantala dahil gusto nilang kumita kaagad ng malaki kahit alam nilang naghihirap ang taumbayan.

Hindi dapat kaawaan ng gobyerno ang mga mapagsamantalang negosyante.

Kailangang isara kaagad ang kanilang mga tindahan at kasuhan sa korte ang mga tusong negosyante.

Kung hindi, baka pamarisan pa sila ng ibang mangangalakal.

Huwag na nating dagdagan ang paghihirap ng mga kababayan natin.

Hindi dapat magnegosyo ang mga mapagsamantalang kababayan natin, lalona’t nandiyan pa rin ang pandemya.

Huwag na nating hintaying gumawa nang hindi mabuti ang mga kababayan nating naghihirap.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0969-0377083/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE