Allan

Marami pang sinehan ang magsasara

February 19, 2025 Allan L. Encarnacion 225 views

NAPAKARAMI na nga nating kalaban sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay, dumagdag pa ang mga buwisit na lamok.

Ang mga masukal at maruruming paligid ang paboritong lungga ng mga lamok na may bitbit na dengue virus kaya mas madali siyang puksain kumpara sa Covid. Kailangan lang natin na maging malinis at masinop sa ating paligid upang maitaboy ang mga lamok.

Mabuti naman at wala na tayong naririnig na fogging operation sa mga lokal na pamahalaan. Ito iyong pausok galore sa mga barangay na nagtataboy kuno ng mga lamok sa isang komunidad. Ang problema sa fogging, hindi naman nadededbol ang mga lamok, naglilipatan lang sa kabilang barangay.

Hindi naman talaga epektibo ang fogging dahil bukod sa nakakasulasok na usok, pasipul-sipol lang ang mga lamok habang pinapausukan sila. Ang nabubuhay lang sa fogging ay iyong mga kumikita sa proyekto!

Ang isa pang problema natin sa dengue, mataas pa rin ang vaccine hesitation dahil sa kontrobersiyal na Dengvaxia.

Wala tayong naririnig na bagong bakuna bilang prebensiyon sa nakakamatay na dengue virus kaya mas mabuting dito magpokus ang mga health experts at ang Department of Health.

Huwag na tayong makigulo sa ingay na pulitika, Tutukan na lang natin ang mga aksiyon para masagip natin ang ating mga kababayan, lalo na ang mga batang mas prone sa dengue virus.

***

May nakausap tayong opisyal ng MTRCB na bad news para sa mga movie outfits.

Makailang ulit ko nang naisulat dito ang pagbagsak ng industriya ng pelikula dahil nilalangaw ang maraming sinehan.

Bukod kasi sa napakamahal ng tiket sa sine sa halagang P399 hanggang P420, wala pang mga kuwenta ang ipinalalabas na pelikula, lalo na kapag Pinoy production.

Maraming basura movies ang inilalabas na lalong nagpapabagsak sa industriya tapos puwersahan ka pang bibili ng popcorn na naka-bundle sa cinema tickets.

Kapansin-pansin na kapag nanood kami ng sine, marami na ang sampu hanggang kinseng viewers sa isang sinehan na ang capacity ay 300 hanggang 400 katao.

Ayon sa MTRCB official, maraming mga mall owners na ang sumulat sa kanila para ipaalam na ang mga sinehan nila ay iko-convert na bilang mga shops at restaurant. Ganito na ang nangyari sa SM North, iyong dati nilang mga sinehan ay naging restaurant at botique na.

Sa Trinoma, may mga nagsara na ring sinehan. Kung may ganitong sulat na ang mga theater owners, lalo nang nawalan ng pag-asa ang movie industry sa ating bansa.

Nilamon na sila ng Korean movies at Netflix dahil sa bagsak na creativity at concept.

Sana lang ay maging wakeup call ito sa mga movie producers kung gusto pa nilang mabuhay ang industriya.

[email protected]