Default Thumbnail

“Mapagsamantala” dapat nang kalusin ng gobyerno

April 27, 2021 Paul M. Gutierrez 508 views

KAPIT-silya” na naman ang mga pobreng Pinoy sa sinabi ni DOH Sec. Francisco Duque III, na dapat pang bigyan ng ‘one-week extension,’ ang ‘MECQ’ sa ‘NCR Plus areas’ (Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna) o hanggang sa unang linggo ng Mayo.

Marami na kasi ang umaasa na dapat nang “mawakasan” ngayong buwan ang MEQC, batay sa unang sinabi ng gobyerno, dahil talaga namang “pahirap” na ito sa buhay ng mga naghihirap na Pilipino.

Oops! Hindi nga pala lahat ng Pilipino, naghihirap ngayong pandemya, dahil napakarami nang mga nagsasamantala.

At kung gusto pa ng gobyerno na makatulong pa ng husto sa mga Pinoy, ito ang bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin, tama ba, Sen. Bong Go at Pang. Duterte?

Halimbawa, hindi naman kaya panahon na— dahil higit isang taon na tayong pulos lockdown bunga ng pandemya— upang pag-isipan naman ng gobyerno na IBABA ang gastos sa pag-testing sa COVID-19?

Mantakin ninyo ‘yan, hanggang ngayon, umaabot pa rin sa higit P3,000 ang testing sa COVID at hanggang ngayon, reklamo pa sa atin, napakatagal ilabas ng resulta!

Totoong andyan ang PhilHealth pero, para sa mga OFWs halimbawa o sa ibang tao na kailangan (daw) ang testing bago sila makapunta sa ibang lugar, dagdag na gastos ito para sa kanila.

May nabanggit pa nga sa ating insidente na isang pamilya ang namatayan dahil sa ‘pneumonia’ pero dahil kailangang “makumpirma” kung ano talaga ang ikinamatay, tinesting sa COVID ang bangkay.

‘Yun nga lang, sinusulat ito, nasa morge pa rin ang bangkay dahil tatlong araw matapos mamatay ang pobreng padre-de-pamilya, wala pa rin ang resulta!

Ang tanong: “Sino” ang magbabayad sa ‘extra-gastos’ na yan sa morge?

Ang Philhealth ba? Siyempre, hindi. Ang ospital ba? Mas lalong hindi. Ang “aako” siyempre, ay ang pobreng pamilya.

Ang resulta nito? Eh, naghihirap na nga, lalo pang mababaon sa paghihirap ang pamilya na wala na ngang mapagkunan ng panggastos dahil sa walang humpay na lockdown at paghihigpit ng gobyerno.

Andyan din ang negosyo sa ‘face mask’ at face shield,’ at mga ‘PPEs.’

Totoong marami nang suplay pero sa naghihirap na mga Pinoy, dapat pa ba nilang pagkagastusan ito? Hindi ba puwedeng gobyerno na lang ang magbayad para dito at ipamahagi na lang ng libre? Tutal, gobyerno rin lang naman ang nagpipilit sa atin na kailangan ito para sa ating kaligtasan.

At paano ang mga kailangang magkonsulta sa mga doktor at ospital para sa ibang karamdaman?

Alam naman siguro ni Sec. Duque na kasama na sa binabayaran ngayon ng mga pasyente ang mga suot na PPEs ng mga doktor at nurses sa mga ospital. Marami pa ngang kuwento na MAS MAHAL pa ang binayaran ng pasyente sa mga PPEs kumpara sa bayad sa konsulta sa doktor at gamot.

At siyempre, ang pinakamalaking “raket” ngayon ng ‘FDA/DOH Mafia,’ ay ang pag-apruba ng mga mas murang gamot laban sa COVID-19.

Ano man kasi ang katwiran ng FDA/DOH, sila na lang siguro sa sarili nila ang naniniwala sa kanilang argumento na kailangang dumaan sa “proseso” upang matiyak na “ligtas” ang mga gamot na ito, katulad ng ‘Ivermectin.’

Susme, alam naman siguro nila na higit 40 dekada na ang nasabing gamot kung saan, ayon pa nga kay Rep. Eric Pineda, higit 3.8 bilyon tao na ang nakainom nito, pero, wala pa sa 100 katao ang namatay (at ito ay dahil sa kumplikasyon at hindi dahil sa pag-inom lang ng Ivermectin).

At andyan ang mga gamot na aprubado ng FDA na gamitin sa mga maysakit ng COVID. Bakit, kumpara sa presyo sa labas ng bansa, sobrang taas ng presyo dito sa atin, aber? Wala na ba talagang konsensiya ang ilan sa ating mga doktor at ospital?

Hmm. Wala rin bang panahon si PACC commissioner Greco Belgica na “busisiin” ang mga reklamong ito ng samu’t-saring pang-aabuso at anomalya?

Ito naman ay kung gusto niyang “maramdaman” ng mga Pilipino ang kahalagahan ng kanyang opisina.

Abangan!

AUTHOR PROFILE