Isko File photo ni Mayor Isko Moreno, Manila Police District Director PBGen. Leo Paco Francisco at (inset) sina incoming Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo. Kuha ni JON-JON REYES

Manila Zoo sarado muna – Isko

May 21, 2022 Edd Reyes 655 views

INIANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno ang pansamantalang pagsasara ng Manila Zoological and Botanical Garden simula Hunyo 1, 2022.

Inihayag ito ng alkalde Biyernes ng hapon sa social media account ng Manila Public Information Office, kasabay ng paalala sa publiko na libre pa rin ang pagpasok ng mga nagnanais mamasyal sa Manila Zoo.

Ayon kay Yorme, kinakailangan munang isara sa publiko ang Manila Zoo upang bigyang daan ang tuluyang pagtatapos ng isinagawang pagsasa-ayos o renovation ng makasaysayang parke.

Aniya, marami pang dapat linisin sa malaking bahagi ng malawak na zoo, kasabay ng isasagawang “finishing touches” sa iba pang world class na atraksiyon, at de-kalidad na palaruan ng mga bata na mas maganda at maayos pa sa mga nakikita sa malalaking mall.

Bagama’t hindi binanggit ng alkalde kung kailan muling mabubuksan sa publiko ang Manila Zoo, tiniyak niya na mangyayari ito sa lalong madaling panahon.

Binanggit din ni Mayor Isko na sa muling pagbubukas ng Manila Zoo, may kaukulang bayad na ang mga papasok dito na tiyak na abot-kaya ang halaga ng kahit ordinaryong pamilya.

Aniya, dahil na rin sa pagmamahal niya sa mga senior citizen na sa ngayon ay may prebilehiyong 20 porsiyentong tinatamasa sa pagbili ng mga pangunahing bilihin, pasahe sa pampublikong transportasyon, may mga libreng araw ng panonood ng sine sa lungsod, walang bayad sa parking area ng mga mall at marami pang iba, mas malaking porsiyento aniya ang kanyang ibibigay sa mga ito kapag nagtungo sila at mamasyal sa Manila Zoo.

Sa halip aniya na 20 porsiyento, gagawin niyang 50 porsiyento ang diskuwentong ibibigay sa mga senior citizen sa oras na pumasok sila sa Manila Zoo kapag nabuksan na ito sa pubilko. Ni EDD REYES

AUTHOR PROFILE