Manila Mayor Honey Lacuna, ex-Marikina Rep. Quimbo sumali sa Lakas-CMD
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsali nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Honrado Lacuna-Pangan at dating Marikina Rep. Romero Federico “Miro” S. Quimbo sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang pinakamalaking partido sa Kongreso at sa bansa sa kasalukuyan.
Pinangasiwaan ni Speaker Romualdez, ang pangulo ng Lakas-CMD, ang magkahiwalay na oath of membership nina Lacuna at Quimbo sa isang simpleng seremonya sa Social Hall ng Speaker’s Office sa Kamara de Representantes Martes ng hapon.
Sa kanyang mensahe sa seremonya ng panunumpa, iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagpasok ng mga bagong miyembro na lalong magpapalakas ng suporta sa mga programa at polisiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
“We are honored to welcome Mayor Honey Lacuna and former Marikina Congressman Miro Quimbo into the Lakas-CMD family,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Speaker Romualdez na makakapag-ambag sina Lacuna at Quimbo sa pagtaguyod ng prinsipyo at layunin ng Lakas-CMD upang mas mapaglingkuran ang mamamayang Pilipino.
“Their leadership, experience, and commitment to serve our people greatly enhance our collective efforts to support the Agenda for Prosperity of President Ferdinand R. Marcos, Jr. and his vision for ‘Bagong Pilipinas’,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
Si Lacuna ang unang babaeng mayor ng Maynila matapos manalo noong 2022. Sinimulan nito ang kanyang karera sa politika bilang konsehal noong 2004 at naluklok na Vice Mayor noong 2016.
Si Quimbo naman ay nakatatlong termino bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina City mula 2010 hanggang 2019. Siya ay naging Deputy Speaker mula 2016 hanggang 2018. Siya ay sinamahan ng kanyang misis na si incumbent Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo sa kanyang panunumpa.
Bilang pagsuporta at pakikiisa, si Lacuna ay sinamahan naman ni Manila Vice Mayor Yul Servo at ng 20 miyembro ng City Council. Naroon din sina Manila Reps. Irwin Tieng (5th District), Joel Chua (3rd District), Edward Maceda (4th District), Rolando “Rolan” Valeriano (2nd District), at Bienvenido Abante (6th District).
Dumalo sa oath taking ceremony ang mga opisyal ng Lakas-CMD na sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Deputy Speaker and Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, at Agusan Del Norte 1st District Rep. Jose. “Joboy” Aquino.