Manila DPS: 62 trak ng basura nahakot sa North, South cemeteries

November 2, 2022 Edd Reyes 91 views

NAKAPAGHAKOT ng kabuuang 62 trak ng basura ang Manila Department of Public Service (DPS) sa dalawang malaking pampublikong Kampo Santo sa Lungsod ng Maynila matapos bumisita ang mga tao sa puntod ng namayapa nilang mahal sa buhay nitong Oktubre 31 at Nobyembre 1, 2022.

Iniulat ni DPS Acting Director Kayle Nicole Amurao na ang 62 trak ng basurang kanilang nahakot sa Manila North at Manila South cemeteries ay katumbas na ng 148 metriko toneladang basura na halos doble sa kanilang nakolekta noong nakaraang 2019 na 34 na trak o 136 na tonelada.

Ayon kay Amurao, hindi talaga maiiwasan ang mga nagkalat na maiiwang basura ng mga bumibisita sa puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay tuwing panahon ng Undas tulad na lamang ng mga plastic na botelya ng tubig, styrofoam, mga tirang pagkain, bulaklak at tulo ng kandila na naiiwan sa gilid ng mga pantson.

Tiniyak naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na magpapatuloy ang paglilinis sa dalawang sementeryo sa araw ng Miyerkules o All Souls’ Day dahil inaasahan pa nila ang pagdagsa ng maraming tao lalo na’t hindi gaanong karami na tulad ng kanilang inaaasahan ang bumisita sa kanilalng namayapang mahal sa buhay nitong araw ng Lunes at Martes, Oktubre 31 at Nobyembre 1 dahil sa masamang lagay ng panahon.

Sa datos na ipinadala ni Atty. Abante sa media, nakapagtala ang Manila North Cemetery noong mismong araw ng Undas ng kabuuang 226,316 katao ang bumisita habang 63 mga menor de edad ang hindi pinayagang makapasok dahil hindi sila bakunado.

Sa Manila South Cemetery naman, sinabi ni Atty. Abante na umabot sa 204,486 katao ang bumisita noong Nobyembre 1, habang wala namang naiulat na kakaibang pangyayari maliban sa hinimatay na isang bisita na kaagad namang nabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.

Samantala, ang Manila Police Department (MPD) ay nakakumpiska naman ng 2,361 na ipinagbabawal na gamit sa Manila North Cemetery habang sa Manila South Cemetery ay umabot sa 1,322 ang nasamsam na karamihan ay sigarilyo, mga gamit na pagmumulan ng apoy at matutulis na bagay na kabilang sa mga ipinagbabawal na ipasok sa loob ng Kampo Santo.

AUTHOR PROFILE