Default Thumbnail

Manila City Hall workers sasailalim sa drug test

July 10, 2023 Edd Reyes 301 views

SINIMULAN na kahapon, Hulyo 10, ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang sapilitang pagsasailalim sa drug test ng lahat ng mga opisyal at kawani ng Manila City Hall.

Inanunsiyo ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa regular ng pagpupugay sa watawat tuwing Lunes ang mandatory drug test para sa lahat ng opisyal ng Maynila.

Ayon sa alkalde, pagtalima sa Memorandum Circular No. 13 Series of 2017 o ang “Guidelines in the Mandatory Random Drug Test for Public Officials and Employees and for Other Purposes” ng Civil Service Commission (CSC) ang pagsasailalim sa drug test ng lahat ng mga kawani at opisyal.

Sinabi pa ng alkalde na nagpadala na sila ng sulat sa lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan kung saan nakalagay ang araw kung kailan gagawin at anong oras gagawin ang pagsasailalim sa kanila ng sapilitang drug testing.

“Kaya hintayin po ninyo ang schedule ninyo at para lang po malaman ninyo, Ako ang unang unang magpapa-drug test matapos itong ating flag raising ceremony,” pagtiyak pa ng alkalde.

Sa inilabas namang memorandum ni City Health Officer Dr. Arnold “Poks” Pangan sinabi niya katagang “Drug testing among public officials and employees are made to promote safety and drug-free environment.”.

Aabot sa 7,859 na mga kawani at opisyal ng Manila City Hall ang inaasahang magpapasailalim sa sapilitang drug testing.

AUTHOR PROFILE