Mangingisdang ‘hinaharass’ sa WPS humingi ng saklolo kay PBBM
KASUNOD ng umano’y pangha-harass ng mga barko ng Tsina sa mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal, humingi ng saklolo ang grupo ng mga mangingisda kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at tulungan sila sa problemang nararamdaman tulad ng pagkagutom at kawalan ng karapatang soberanya sa West Philippine Sea (WPS).
Ang paghingi ng tulong kay Pangulong Marcos ay isinagawa ng “Nagkakaisang Mangingisda Laban sa Gutom” sa pamamagitan ng isang sulat.
Nagsagawa rin ang grupo ng mapayapang pagmamartsa, Nobyembre 24 mula sa Boy Scout Circle sa Quezon City patungong Liwasang Bonifacio sa Lungsod ng Maynila.
Ayon sa mga mangingisda ng Masinloc, makailang ulit na silang nakaranas ng panggigipit umano mula sa mga malalaking barko ng Tsina gamit ang mga missiles at ang kanilang mga huli ay pilit na kinukuha at pinapalitan ng instant noodles at sigarilyo.
“Umaalis po kami ng Masinloc ng madaling araw papuntang Scarborough Shoal para mangisda at nakakabalik na kami kinabukasan. Kadalasan po ay wala kaming nagiging huli dahil sa mga Chinese vessels at nalulugi rin po kami sa taas ng krudo at gasolina,” pahayag ni Ate Olive, ang kinatawan ng mga mangingisda sa Masinloc.
Iginiit ng koalisyong “Atin ang Pilipinas” na kailangang patuloy ang pakikipagtalakayan ng administrasyong Marcos sa Tsina.
Hinikayat ng grupo si Pangulong Marcos na bumuo ng makabuluhang patakaran at batas na tutugon sa kabuhayan ng mga mangingisda gayundin ng pangangalaga sa soberenya ng bansa partikular sa WPS.