Mangangalakal binaril sa QC footbridge, patay

July 22, 2021 Melnie Ragasa-limena 159 views

PINAGBABARIL nang malapitan ang 37-anyos na mangangalakal ng hindi pa nakilalang lalaki habang natutulog sa footbridge sa Barangay Bagong Pagasa, Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw,

Ang biktima ay nakilalang si Jose Ronillo Conde, 37, naninirahan sa 37 St., Sitio San Roque, Bgy. Bagong Pagasa, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala-1:00 ng madaling araw (July 22), nang maganap ang insidente sa footbridge sa Quezon Ave., Edsa Bgy. Bagong Pagasa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Nido Gevero, nakatayo umano ang nakasaksing si John Paul, carwasher, habang naghihintay ng mga customer na magpapalinis ng sasakyan nang makarinig siya ng putok ng baril.

Nang kaniyang usisain ay nakita na lamang ni Paul ang nakabulagtang duguang biktima kaya agad siyang humingi ng saklolo sa mga tauhan ng Oplan Disiplina.

Ayon naman kay Jayson Garganera ng Quezon City Task Force Disiplina, nasa may outpost sila ng Task Force Disiplina na malapit lang din sa nasabing footbridge kaya narinig din nila ang putok pero akala nila ay sumabog na gulong lamang ng sasakyan.

Idineklarang dead on arrival ang biktima saEast Avenue Medical Center bandang alas- 3:35 ng madaling araw.

Nabatid na madalas na nakikitang nangangalakal ang biktima sa lugar at kapag napagod ay nakagawian na nito ang matulog sa nasabing footbridge.