Default Thumbnail

Manager naningil ng utang dinedo!

September 26, 2021 Melnie Ragasa-limena 457 views

NAUWI sa pananaksak ang paniningil ng empleyado ng motorcycle dealer sa isang kliyente nang bawiin ang hinuhulugang motorsiklo nito dahil sa hindi pagbabayad ng monthly bills ng halos dalawang taon sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si Alex Gubot Palcon, 34, may asawa, OIC manager ng RUSI Tandang Sora branch at naninirahan sa 5743 CDNAI St., SVF Camarin, Brgy. 178, Caloocan City.

Agad namang naaresto ang suspek na si Juriel Segador Floro, 35, walang asawa, mananahi, at residente sa 249 Tandang Sora Ave., Green Village, Brgy. Tandang Sora, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investifation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-3:30 ng hapon (September 24) nang maganap ang insidente sa Tandang Sora Ave., malapit sa China Bank, sa Brgy. Tandang Sora, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Andrea Lait, ng Talipapa Police Station (PS-3) ng QCPD, puwersahan umanong binawi ng RUSI management ang motorsiklong hinuhulugan ng suspek dahil hindi na ito nakakabayad pa ng montly bills mula pa noong May 2019.

Pero paglabas umano ni Palcon sa kanilang tanggapan upang bumili ng kape ay biglang sumulpot ang suspek at agad siyang sinaksak ng ilang ulit.

Naisugod pa sa Metro North Medical Center and Hospital ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival bandang alas-4:21 ng hapon, ayon kay Dr. Ma. Angelica Ibarra-Nisce.

Nadakip naman ng mga nagrespondeng pulis ang suspek na naabutan pa sa crime scene at nakumpiska sa kaniya ang patalim na ginamit sa pamamaslang.