Magi

Maligayang Pasko mga kababayan!

December 21, 2024 Magi Gunigundo 106 views

ILANG araw na lang Disyembre 25 na, ang araw na pinakahihintay ng maraming Pilipino , upang ipagdiwang ang pagsilang ng Panginoon Hesu-Kristo, ang manunubos ng mga makasalanan.

Sa katunayan, Sityembre pa lang ay ginagayak na ang mga palamuti ng pasko sa mga mall, liwasan, kalsada, gusali , opisina at mga tahanan.

Abala ang marami sa paghahanap ng murang pang regalo at pagkain upang mapagkasya ang 13th month pay na ubos na bago pa sumapit ang Pasko.

Uso ngayon ang larong “eh ikaw ?” sa mga Christmas party kahit na walang koneksyon ito sa pagsilang ng sanggol sa sabsaban. Lumalabas na bumalik na muli sa pagiging pagano ang uri ng pagdiriwang ng Pasko ng pagsilang ni Kristo sa sabsaban.

Ipinagpapalagay ng mga iskolar ng bibliya na upang makaakit ng mas maraming pagano na magpalit ng relihiyon, idineklara ni Pope Julius I noong 350 AD ang Disyembre 25 bilang opisyal na petsa ng kapanganakan ni Hesus, upang mawala ang pagdiriwang ng katapat nitong piging ng “winter solstice” ng mga pagano. Ipinagdiriwang naman ito ng Greek orthodox church tuwing Enero 6.

May mga sekta at simbahan naman na tumatangging ipagdiwang ang Dec 25 bilang kapanganakan ni Kristo dahil walang petsang nakasulat sa bibliya kung kailan talaga ipinanganak si Kristo.

Ang Coca-Cola Corporation, sa pagnanais nitong ibenta ang softdrinks nito sa panahon ng taglamig kung kailan mababa ang benta dahil itinuturing ng mga tao ang debote bilang isang inumin na angkop lamang para sa tag-araw, ang nag-imbento noon 1950s ng ideya ni Santa Claus, isang may balbas at matanda at matabang nakasuot ng nandidilat na pula at puting damit at namamahagi ng mga regalo sa mga batang masunurin sa Pasko at umiinom siya ng coke.

Siya ay kumbinasyon ni St. Nicklaus na malapit ng alisin sa listahan ng mga santo dahil sa hindi paggawa ng anumang himala at ang Danish na magnanakaw na si Kris Kringle na ginagamit ang kanyang kakaibang kakayahan na “ma-dislocate” ang kanyang mga balikat at ibalik ito sa ayos upang magkasya siyang dumausdos sa “chimney” ng isang bahay at pagnakawan ang mga tao sa loob ng kanilang mga tahanan habang natutulog sa mga buwan ng niyebe.

Bago pumatok sa tao ang istratehiya ng Coke, mas espesyal sa mga Amerikano ang Pasko ng muling pagkabuhay kaysa sa Pasko ng Pagsilang ni Kristo.

Mas nakakamangha na makita ang isang lalaking patay na sa loob ng tatlong araw na bumangon mula sa libingan na binabantayan ng mga sundalong Romano kaysa sa isang sanggol na ipinanganak sa sabsaban.

Nagkaroon ng panunuhol at katiwalian upang sirain ang katibayan ng muling pagkabuhay samantalang mahirap patunayan ang pagbubuntis ng isang birhen sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at pagdalaw ng tatlong pantas mula sa silangan.

​Ating iugnay ang sekular na pagdiriwang ng Pasko sa pirmes na pasya ng Korte Suprema tungkol sa moralidad na nakabatay sa pampublikong palagay, hindi sa relihiyon.

Ang Korte Suprema ay nagpasya sa maraming kaso na ang pakikipagtalik bago ang kasal sa pagitan ng dalawang tao na nasa hustong gulang na humahantong sa pagbubuntis ay hindi imoral at kahiya-hiya at hindi katwiran sa pagsususpinde o pagtanggal ng isang empleyado dahil dito ( Bohol Wisdom School v Miraflor Mabao ( July 23,2024) ; Dagdag v Union School ( Nov 21, 2018). Capin-Cadiz v Brent Hospital and College Inc. ( 2016) ; Leus v St. Scholastica’s College Westgrove ( 2015).

Ang Pilipinas ay walang pambansang relihiyon bagamat maraming Pilipino ay tinaguriang Katoliko. Kahit hindi naniniwala ang ilang simbahan sa kahalagang ispiritual ng Disyembre 25, hindi maaawat ang mga miyembro nito na huwag lumahok sa pagdiriwang ng Pasko na napaka sekular na rin. Ang lohika ng hatol ng Korte Suprema tungkol sa sekular na moralidad ay mag-aabsuwelto rin kay Maria na nagbuntis kahit hindi pa nakasiping ni Jose. Ang sekular na pananaw na ito ang magbabalik ng ispirtuwal na halaga sa ating Pasko ng pagsilang ng sanggol sa sabsaban.

AUTHOR PROFILE