Maputi

‘Malayo Pa ang Umaga,’ kanta ni Rey para sa ’Pinas

March 26, 2023 Vinia Vivar 180 views

ReySa dinami-dami ng komposisyon ng OPM icon na si Rey Valera, may isang kanta pala na labis niyang pinagsisisihan na nagawa niya.

“’Yung Kung Tayo’y Magkakalayo,” aniya sa mediacon ng bioflick niyang Kahit Maputi na ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera) na ginanap last Saturday.

“Kapag kasi may lumalapit sa akin na nagkahiwalay daw sila, tatanungin ko, ang theme song n’yo ba ‘yung Kung Tayo’y Magkakalayo? Oo raw.

“Kasi, later ko na lang na-realize na ang kanta palang ginagawa naming mga songwriter, may epekto ‘yan sa isip ng ating mga kababayan at kapag ano, nai-internalize din ‘yang mga kanta na ‘yan.

“Ibig sabihin, ikaw ‘yung dahilan kung ba’t nagkahiwalay ‘yung dalawa, eh. Dahil naisasabuhay ‘yung nasa isip ng kanta,” paliwanag ng veteran singer/songwriter.

Aniya, “’Yan, pinagsisisihan ko ‘yang kantang ‘yan. Hanggang ngayon. Parang mayroon akong nagawang kasalanan,” sabay-tawa.

Pero, of course, marami naman din mga kanta niya na nakapagdulot ng inspirasyon at kaligayahan.

Ang pinakapaborito naman niya sa lahat ay Malayo Pa ang Umaga dahil para raw ito sa ating bansang Pilipinas.

“Hindi n’yo natatanong ma-senti (sentimental) rin ako sa Pilipinas at kamukha n’yo, gusto ko ring umasenso ang Pilipinas. Pero alam kong malayo pa tayo. Pero somehow, umaasa ka pa rin kahit napakaliit ng chance,” he said.

Samantala, ang bioflick ni Rey ay mula sa ideya ni Joven Tan na siya ring nagdirehe ng pelikula.

Ayon sa OPM icon, nang una itong sinabi sa kanya ni Direk Joven ay hindi agad siya naniwala.

“Nu’ng nabanggit niya sa akin na may gagawin daw siyang project, at first, hindi siyempre ako naniniwala. Sino ba naman ang magkakainteres sa ganito?

“Ang una kong reaksyon is baka naman kailangan niya ng tulong para ano. Ibinigay ko ‘yung manuscript ng librong ginagawa ko, kay direk,” kwento ni Rey.

After a year, kinontak daw siya ulit ni Direk Joven at sinabi sa kanyang tuloy na ang project.

RK Bagatsing is portraying as Rey na talaga namang pinalakpakan ng lahat after the celebrity screening na ginanap pagkatapos ng mediacon dahil sa mahusay niyang portrayal.

Star-studded ang pelikula dahil kasama rin dito sina Aljur Abrenica, Rico Barrera, Gelli de Belen, Josh de Guzman, Christopher de Leon, Lotlot de Leon, Jenine Desiderio, Meg Imperial, Ronnie Lazaro, Gian Magdangal, Carlo Mendoza, Ara Mina, Arlene Muhlach, Pekto Nacua, Eric Nicolas, Dennis Padilla, Epy Quizon, Arman Reyes, Ariel Rivera, Ricky Rivero, Rosanna Roces, Lloyd Samartino, Shira Tweg, Lou Veloso at Gardo Versoza.

May segment tributes din sa movie para sa yumaong si Rico J. Puno dahil ang unang kantang nilikha ni Rey na Ako si Superman ay intended for him pero hindi nito nai-record.

Sa halip ay si Rey na lang ang kumanta ng nasabing awitin na nilikha niya at dito na nga nagsimula ang kanyang pagsikat bilang singer-songwriter.

Produced by Saranggola Productions, showing na sa April 8 ang Kahit Maputi na ang Buhok ko (The Music of Rey Velera) bilang isa sa official entries ng kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival.

AUTHOR PROFILE