Malaysian nakatakas sa 2 Chinese, 1 Pinoy kidnaper

December 5, 2021 Melnie Ragasa-limena 26 views

TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang dalawang Chinese at isang Pinoy na diumano’y dumukot sa isang Malaysian sa harap ng isang Hotel sa Pasay City at dinala sa Quezon City nitong Sabado ng hapon.

Masuwerte namang natakasan ng biktima na si Victor Mak, 29, binata, Malaysian, at residente ng Unit 106 Avida Towers, 24th St., BGC, Taguig City ang mga dumukot sa kaniya.

Sa report ng Kamuning ng Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 5:30 ng hapon (December 4), nang kidnapin ang biktima sa harap ng Hilton Hotel sa Pasay City.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Bryan Busto, naghahanap umano ng trabaho sa Chinese group ang biktima sa pamamagitan ng telegram application.

Agad naman siyang inalok ng posisyon sa isang Chinese company at nitong December 4, dakong 5:30 ng hapon ay nakipagkita si Mak sa mga suspek sa harap ng Hilton Hotel, Pasay City.

Habang nag-uusap ay nagulat na lamang ang biktima nang puwersahan siyang isakay ng mga suspek sa Toyota Alphard hanggang mapansin ng biktima na huminto sila sa harap ng WIL Tower sa Eugenio Lopez Drive, Brgy. South Triangle, Quezon City.

Doon ay pinagbantaan ang biktima at sinabi aniya ng mga suspek ang … “GIVE US P500 AND WE WILL SET YOU FREE”.

Pero nang hindi makapagbigay ang biktima ay inilipat siya sa Hi Ace Van at pinagtulungang bugbugin ng mga suspek sa loob ng sasakyan.

Nang makatiyempo ay nagtatakbo ang biktima at humingi ng saklolo sa mga taong nagdaraan sa Wil Tower at eksakto namang may nagdaraan na police patrol na namataan ang komosyon.

Agad namang tumakas ang mga suspek nang makita ang mga paparating na mga pulis.

Patuloy pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang mga Chinese na dumukot sa biktima.