Default Thumbnail

‘Malasakit Center’ sa Mariveles pinasinayaan

December 1, 2022 Christian D. Supnad 259 views

MARIVELES, Bataan – Bukas na ang “Malasakit Center” na nasa bakuran ng Mariveles Mental Wellness and General Hospital sa Bataan.

Ito ay isang “one-stop shop” center upang mas mailapit, mapadali at mapabilis ang proseso ng mga tulong medikal at pinansyal para sa mamamayan ng Mariveles gayundin din sa mga kalapit bayan nito sa tulong ng mga ahensiyang nasyonal tulad ng Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Bataan 3rd District Representative Maria Angela Garcia ang kahalagahan ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaan upang matulungan ang mga nangangailangan at maiwasan ang pagkakaroon ng mga malubhang karamdaman.

Sinabi ng mambabatas na sa tulong ng mga Malasakit Centers, kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, mas matutugunan ang pangangailangang medikal ng mga kababayan at hindi lamang ito limitado para sa mga kasalukuyang nakararanas ng sakit.

Dagdag pa niya, ito rin ay naglalayong maiwasan ang pagkakaroon ng malubhang sakit at bigyan ang mga indibidwal na nangangailangan ng agarang atensiyong ab isa.

Ito na ang ika-112 Malasakit Center sa buong bansa at ikalawa sa lalawigan matapos ang Bataan General Hospital and Medical Center.

Nagsimula bilang proyekto ng Office of the Special Assistant to the President, naisabatas ito sa bisa ng Republic Act 11463.