Bong Go

Malaking papel ng sports vs krimen, iligal na droga kinilala ni Bong Go

May 22, 2022 People's Journal 61 views

Bong GoHINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga kabataang Pilipino na makisali sa palakasan sa halip na magpakasawa sa mga bisyo tulad ng iligal na droga sa kanyang pagdalo sa inagurasyon ng Bahay ni Jawo basketball court sa Valenzuela City.

“I beg you, stay away from illegal drugs. ‘Yan lang po ang hiling namin ni President (Rodrigo) Duterte – layuan ninyo ang illegal drugs dahil kasama na ‘yan sa krimen,” ani Go sa kanyang talumpati.

“Kapag maraming drug dealers, maraming krimen. So, please help us. Maglaro na lang tayo ng basketball. Sa sports, maraming matututunan ang mga kabataan para maging disiplinado at produktibong miyembro ng lipunan,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Go ang masamang epekto ng ilegal na droga sa mga pamilya at sa lipunan, sa pagsasabing, “’Pag may nabiktima ng droga sa pamilya mo, wala na ang isang paa mo … pansinin mo, ‘pag may biktima ng ilegal na droga. sa pamilya, sira ang pamilya.”

“Kaya nakikiusap si Pangulong Duterte sa inyo, lumayo kayo sa ilegal na droga… Delikado ang droga na ‘yan,” patuloy niya.

Sa kanyang pagbisita, namahagi din ang koponan ni Go ng mga basketball, volleyball at sapatos sa mga piling dumalo upang hikayatin silang makisali sa sports.

Ang inagurasyon ay dinaluhan din ni Valenzuela City 1st District Representative Wes Gatchalian, 2nd District Rep. Eric Martinez, at iba pang opisyal ng lokal, barangay, at Sangguniang Kabataan.

Pagkatapos ay nagpahayag ng pasasalamat si Go sa mga residente ng Valenzuela City sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga, kriminalidad at katiwalian.

“Salamat, mga taga-Valenzuela. Nandito lang ako handang tumulong sa iyo sa abot ng aking makakaya,” pagtatapos niya.

Isang masugid na tagapagtaguyod ng pagpapaunlad ng palakasan sa bansa, si Go ang sumulat at nag-sponsor ng Republic Act No. 11470, na nagtatag ng National Academy of Sports (NAS) noong 2020.

Ang nasabing batas ay naaayon sa pananaw ni Go na magbigay ng dedikadong learning facility kung saan ang mga promising young athletes ay mas mahahasa pa ang kanilang mga talento habang nakakakuha ng de-kalidad na edukasyon. Ang NAS Main Campus ay matatagpuan sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.

“Ngayong mayroon nang National Academy of Sports, ang mga batang atleta ay mabibigyan ng pagkakataon na magsanay at mag-aral sa isang world-class na pasilidad at paaralan,” pahayag ng senador.

Naging instrumento rin si Go sa pagrekomenda sa Executive branch ng pagbibigay ng mga insentibo para sa mga atleta na sumasabak sa mga international events partikular na sa mga nanalo ng medalya sa katatapos na Olympics.

AUTHOR PROFILE