Lito Lapid

‘Malaki’ at ‘masarap’ na embutido ni Sen. Lito paborito ng babaeng direktor

December 15, 2024 Ian F. Fariñas 96 views

BILANG Kapampangan ay mahilig pala talagang magluto si Sen. Lito Lapid. Ang specialty niya ay pinaupong manok.

Kaya naman nagpapasasalamat siya sa mga kasamahan sa Senado na inaprubahan ang Senate Bill 2797 na nagdedeklara sa Pampanga bilang “Culinary Capital of the Philippines.”

Nitong December 9 lamang ipinasa sa 3rd and final reading ang naturang bill. Naghihintay na lamang ito ng pirma ni President Bongbong Marcos

“Inaprubahan ng aking mga kasamahan na senador, pinagkaisahan nila na suportahan ang bill na ito dahil kilala po ang Pampanga sa masasarap na lutuin. Walang tumutol, walang nag-against. At lagi ko rin silang ipinagdadala ng mga lutong Kapampangan,” kwento ni Sen. Lito sa taunang Christmas get-together kasama ang entertainment press.

Present din sa nasabing okasyon ang anak niyang aktor at chief operating officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority na si Mark Lapid.

Hindi lamang mga kapwa-senador ang ipinagluluto ni Sen. Lito, na reelectionist (4th Senate term) sa Halalan 2025, kundi maging ang co-actors at production staff ng Kapamilya serye niyang “FPJ’s Batang Quiapo.”

“Karamihan po ang gusto sisig, saka ‘yung maja blanca, ‘yung tibok-tibok na tinatawag, pinaupong manok, adobong puti, embutido. Sabi nga ni Direk Malu (Sevilla, isa sa mga direktor ng ‘FPJBQ’), masarap nga ’yung malaking embutido na galing sa’kin. Joke lang!” sey ni Sen. Lito kaya nagtawanan lahat.

Sinegundahan naman ito ni Mark ng, “Laging punchline ni Direk Malu ‘yan, ‘ay, Sen, ang sarap-sarap ng embutido mo, ang laki-laki!’ Tanungin mo siya, lagi niyang sinasabi ‘yan ‘pag nagkakabiruan.”

Lagi ngang “box office” ang “pa-piging” ng senador sa set at lahat sila ay salu-salong kumakain. Wala raw special na tao, halimbawa na si Lorna Tolentino (ng PriManda loveteam), dahil kanya-kanyang request ang mga ito.

Pagdating nga lang ng Pebrero, 2025, magpapaalam ang PriManda pair dahil umpisa na ito ng campaign period.

At dahil muli nga siyang kumakandidato, paliwanag ni Sen. Lito, “‘Yung ‘Probinsyano,’ nu’ng bago ako humabol at mag-i-start na po ‘yung campaign, kailangan, bawal na po kasing lumabas, eh. Nasa batas po ‘yan ng Comelec (Commission on Elections). ’Di na pupuwedeng mag-commercial ka, kahit na po ‘yung mga billboard na may commercial diyan kung, halimbawa, si Coco (Martin) marami siyang billboard, maghahabol ’yan, tanggal lahat ’yon. Kahit ‘yung mga commercial sa TV. ‘Yun po ay talagang batas. Kaya ito po, hindi po naman namin… ayaw namin talagang mawala sa ‘Batang Quiapo’ ay kailangang-kailangan talaga dahil nasa batas po ‘yan. ‘Di na pupuwedeng lumabas. Nakakalungkot man po, pero kailangan, eh. Pulitika po kasi ‘yan.”

“Wala namang sinasabi na matatapos kami, ‘no? Baka medyo tumakas lang kami, pagkatapos ng election, babalik kami. O, ‘di ba? Baka ganu’n. Pero wala po kaming alam kung anong istorya. Si Coco Martin lang po talaga ang nakakaalam ng buong istorya. Kahit kami nagugulat ’pag nasa shooting kami,” pahabol pa ng aktor-politiko.

AUTHOR PROFILE