Default Thumbnail

Mala-sari-sari OFW hospital binakbakan ni Tulfo

July 4, 2023 PS Jun M. Sarmiento 261 views

SINADYA ni Sen. Raffy Tulfo ang OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga noong Sabado dahil sa napakaraming sumbong tungkol sa pagiging inefficient at tila walang kabuluhan nito sa kabila ng pagiging bago.

Unang bumungad sa senador ang pharmacy department kung saan nagulantang si Tulfo dahil dinaig pa nito ang sari-sari store dahil walang mga istante at drawer at nakalagay lamang sa mga tray na nakalapag sa lamesa ang mga gamot.

Marami ding kulang na gamot na importante sa karamihan ng mga pasyente tulad ng antibiotics.

Napansin din ng senador na bagama’t moderno at bago ang mga kagamitan sa ospital, tila hindi pa nagagamit ang mga ito.

Nalaman pa niya na sa mga oras na iyon dalawa lang ang pasyente ng apat na palapag na ospital na pawang in-patient pa.

Isa sa mga pasyente ang empleyado pa mismo ng ospital at ang isa ay nanggaling pa sa malayong probinsya. Ghost town na maituturing ang ospital, ayon sa senador.

Nalaman din ng senador na sarado ang outpatient department ng ospital tuwing Sabado.

Nanggalaiti lalo ang senador nang malaman ng isa niyang staff na sumubok kumuha ng appointment sa online patient scheduling system na sa October 10 pa ang susunod na available slot para makapagpakonsulta doon.

Inirekomenda niyang ayusin agad ang online portal ng ospital at dapat buksan na ang outpatient department kahit weekend para makapag-accommodate nang mas maraming pasyente.

Nakatanggap ng pangaral ang mga opisyal ng ospital mula kay Sen. Tulfo na dapat agad-agad ay ilagay sa ayos ang kanilang sistema at mag-sipag.

Kasunod noon ay nangako rin siya bilang Senate Committee Chairman ng Migrant Workers na magbibigay siya ng all-out support, partikular na sa pondo at staffing ng ospital, para sa kapakanan ng mga OFW at kanilang mga dependents.

Sinabi rin ni Sen. Tulfo na babalik siya sa mga susunod na araw para magsagawa ng surprise follow-up visit.