“Majoha”, walang epekto sa DepEd at CHED

April 22, 2022 Paul M. Gutierrez 91 views

PaulNAG-VIRAL kamakailan sa Internet ang naging sagot ng isang kabataan na bahagi ng reality TV show sa tanong tawag sa tatlong paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora. Ang naging sagot ng bata ay “Majoha” imbes na Gomburza.

Nakakatawa kung panonoorin ang pagkakamaling ito dahil ang sagot ay inaasahan nating isa sa pinaka-basic sa ating kasaysayan. Pero kung ating titignan nang mas malalim ito ay lubhang nakakabahala.

Ang totoo, matagal nang tinitignan ang bumababang kaalaman ng mga kabataan pagdating sa sarili nitong kasaysayan at pagkakakilanlan sa kanilang sariling pagka-Pilipino. Syempre, unang titignan dito ang kalidad ng edukasyon na kanilang nakukuha.

Pinuna na ng mga edukador mula noon ang hindi pagbibigay halaga sa mga asignatura na may kinalaman sa ating pagkakakilanlan gaya ng kasaysayan at mga asignaturang Filipino.

Katunayan noong administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino, inilabas ng Commission on Higher Education ang CHED Memo. No. 20 noong 2013 na nagpapahintulot sa mga pamantasan na tanggalin na ang mga asignaturang Filipino sa kolehiyo.

Syempre, agad na pumalag ang mga nasa akademya partikular ang mga guro na nagtuturo ng Filipino. Pero hindi lamang ito naging usapin sa akademya, maraming sektor din ang nakiisa sa panawagan na panatilihin ang mga asignaturang Filipino sa kolehiyo dahil sa may malaki itong epekto hindi lamang sa akademya kundi sa bansa.

Pero mula nang ilabas ang CHED Memo No. 20 noong 2013, marami nang mga pamantasan sa buong bansa ang nagtanggal na ng kanilang mga asignaturang Filipino sa kanilang kurikulum. Ibig sabihin nagluluwal tayo ng mga kabataan na kulang ang kaalaman patungkol sa kanilang sariling kasaysayan, sa kanilang sariling pagkakakilanlan.

Makikita na ang pagsagot ng “Majoha” ay hindi isang pagkakamali lamang ng isang bata na kulang ang kaalaman sa kanyang kasaysayan kundi pagkakamali ng sistema na walang pagpapahalaga sa mga asignaturang nagbibigay pagkakakilanlan sa pagka-Pilipino ng mga mag-aaral.

At malamang hindi magiging huli ang “Majoha” na ito sa mga pagkakamali ng kabataan pagdating sa kanilang sariling kasaysayan at pagkakakilanlan.

Subalit kahit na naging mainit na usaping ito at nag-viral nga sa social media, hindi seryoso, balewala lang, sa paningin ng DepEd at CHED dahil wala tayong naririnig mula sa mga ito na may pangangailangang palakasin ang mga asignatura na may kinalaman sa ating pagkakakilanlan.

Hindi lamang ito nakakaalarma kundi nakakahiya na ang ating mga kabataan ay wala o sadyang kulang ang kaalaman sa kaniyang sariling kasaysayan kahit ang mga basic na impormasyon dito.

Hindi natin alam kung magigising dito ang DepEd at CHED o patuloy silang matutulog na tila walang problema sa “Majoha.”

Kung hindi nila ito nakikitang problema, bakit nga ba sila magigising sa kanilang pagkakahimbing.

AUTHOR PROFILE