Maid, kulong sa pagnanakaw

January 14, 2022 People's Tonight 47 views

ARESTADO ang 23-anyos na kasambahay nang pagnakawan ang amo niyang abogada sa Brgy. Old Balara, Quezon City, noong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Marissa Gorriceta Saba, 55, isang abogado, at residente ng No. 6 Victoria St., New Intramuros Village, Brgy. Old Balara, Quezon City.

Agad namang nadakip ang suspek na si Dina Catalan Valentino, 23, stay-in house maid, at naninirahan sa Brgy. Palanas, Calbayog City.

Sa naitalang report sa Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 10:50 ng gabi (January 12), ng maganap ang pagnanakaw ng kasambahay sa tahanan ng abogada sa nasabing Barangay.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Joenel Acepcion ng PS 6, patakas na umano ang suspek na may dalang bag nang maharang ng village security guard na si Rene Sebuco.

Agad tinawagan ni Sebuco ang amo ng suspek kaya naman mabilis na nagtungo ang abogada sa exit gate kung saan kinompronta nito ang kasambahay at inutusang buksan ang dalang bag nito.

Nang mabuksan ang bag ay bumungad ang mga ninakaw na mga kagamitan at mahigit kumulang sa P30,000 cash na ninakaw sa biktima.

Nabatid na halos dalawang buwan pa lamang naninilbihan bilang kasambahay ang suspek sa biktima.

Inihahanda na ang kasong qualified theft laban sa sa suspek.

AUTHOR PROFILE