Default Thumbnail

Maid in Malacanang ni Direk Darryl Yap

August 9, 2022 Allan L. Encarnacion 590 views

Allan EncarnacionPINANOOD natin ang Maid in Malacanang bago tayo magbigay ng anumang review sa pelikulang pinag-uusapan ng bansa.

Ito iyong sinasabing huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Palasyo bago ang puwersahang pagdala ng mga Amerikano sa kanila sa Hawaii sa halip na sa Paoay.

Congratulations muna sa gumanap na Irene, magaling siya sa kanyang emosyon at dialogue delivery habang kinukumbinsi si Macoy na umalis na sa Palasyo. Konek na konek.

Iyong mismong kabuuan ng pelikula or kuwento ng totoong nangyari ay okey naman. Doon lang sa mahjong session ni Cory with mga madre ang tingin kong cinematic addition.

Hindi lang malinis ang film, meaning, literal na film kasi may mga shots na marumi ang dating. Ang isa pang kapansin-pansin sa mga film critic na tulad natin, hindi maganda ang ibang scene na palitan ng dialogue. Kitang-kitang naghihintayan na matapos ang sinasabi kaya mahahalata mong may lull o pagitan na walang nagsasalita.

Iyong ibang karakter, parang kailangan pa ng senyas bago magsalita lalo na sa tatlong Palace maids. Halata doon sa “bed scene” ng tatlong maids na walang koneksiyon dahil may mga hindi alam kung kailan papasok ang dialogue nila.

Maraming dragging scene na hindi naman kailangang humaba ng ganoon pero ipinilit. Likas na magaling na aktor si Cesar Montano pero sa tingin ko, hindi niya nabigyan ng justice ang pagganap na FM. Kulang sa audience connect ang kanyang mga galaw at salita.

Iyong gumanap na Bongbong madalas nahahalatang naghihintay sa kanyang cue para magbato ng dialogue. Iyong hintayan ng mga cue sa dialogue ang madalas nagpapababa ng emosyon ng isang particular na scene.

Iyong palitan nila Macoy at Irene talaga ang tingin kong swak. Iyong Ella Cruz alias Irene ang nagdala doon at hindi si Cesar Montano.

Sa karakter ni Cristine Reyes as Imee mukhang pasok naman sa ibang tagpo.

Iniisip ko kung si Carlitos Siguion-Reyna ang direktor ng Maid in Malacanang baka mas naging maganda ang kinalabasan. Hindi masyadong istrikto si Direk Darryl Yap sa mga shots at tamang palitan ng dialogue plus emotional impact ng bawat scene and bigat ng mga sinasabi ng karakter.

Parang gusto kong sumigaw ng “cut” sa sinehan sa tuwing nakikita ko ang mga lapses at paghihintayang makapagbitaw ng linya. Mukhang hindi rin nila nakita sa editing kasi nakalabas sa mga sinehan ng ganoon ang materyales.

Sa isang banda, okey din namang panoorin para magkaroon ng ibang mukha ang mga isinulat at inilathala matapos ang 1986 People Power. Naging one sided naman talaga ang mga naglabasan matapos ang rebolusyon.

Masyado ring pinasama ng mga dilaw ang mga Marcos nang makapuwesto sila kaya hindi ko rin masisi ang fictional mahjong session with madres sa Maid in Malacanang.

Sa batayang sampung estrelya, 6 stars ang tingin ko sa obra ni Direk Darryl Yap.

[email protected]